Daughters of Saint Paul

Hunyo 24, 2025 – Martes | Ika 12- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Lucas 1:57–66, 80

Nang sumapit ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan, nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto nitong itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Sebastian Gadia ng Society of St. Paul ang ating pagninilay. Sa tuwing pumapasok tayo ng simbahan meron tayong mapapansin malapit sa pintuan na may nakalagay na holy water. Pagpasok natin, inilulubog natin ang ating mga daliri at pagkatapos ay nagsa-sign of the cross tayo. Hindi lang isang palamuti ang Banal na Tubig na nakalagay sa bungad ng simbahan, kundi isang paalaala sa dignidad ng ating pagka-Kristiyano. Pinapaalalahanan tayo ng Sakramento ng Binyag.

Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang kapanganakan ni San Juan Bautista. Ginugunita natin si San Juan sa pamamagitan ng basaan ng tubig. Naiuugnay natin sa tubig si San Juan sapagkat siya ang nagbinyag kay Hesus. Sa Mabuting Balita ngayon, pinapaalalahan tayo na huwag nating ituon ang ating mga mata sa selebrasyon ng basaan ng tubig. Ang kapistahan ng kapanganakan ni San Juan Bautista ay tungkol sa dignidad ng ating binyag. Sa sakramento ng Binyag tayo nagiging ganap na tunay na anak ng Diyos; nakikibahagi tayo sa misyon ng ating Panginoong Hesukristo; nililinis ang ating kasalanang mana; inihahanda tayo upang maging asin at ilaw sa mundo, at nagiging templo ang ating katawan ng Espiritu Santo. Tandaan natin ang ibig sabihin ng pangalang Juan: ”biyaya ng Diyos.” Kung tinatawag tayo na mga ”Kristiyano” dahil tagasunod tayo ni Kristo, pwede rin tayong tawaging mga ”Juan” hindi dahil tagasunod tayo ni Juan Bautista, kundi dahil tayo rin ay tinatawag na maging biyaya ng Diyos sa bawat isa.