MATEO 7:6,12-14
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta. Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.”
PAGNINILAY:
Sinasagisag ng bukas na pinto ang liwanag, mainit na pagtanggap sa kapwa, at simula ng isang mabuting ugnayan. Sa kabilang banda, ang saradong pinto ay nagpapahiwatig ng dilim, at pagsasara o pagwawakas ng isang relasyon. Kaya nga, isa sa napakagandang imahe ang larawan ni Kristo sa harap ng isang pintuan, tigib ng liwanag ang paligid at nakalahad ang mga kamay na handang tumanggap sa sinuman. Sa pagbasa ngayon, sinabi ni Jesus na “Napakakipot ang pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.” Ayon kay Fr. Domie Guzman, SSP, may limang kondisyong tinutukoy ang makitid na daan ni Jesus: Una, Ang pagpapatawad hindi lamang ng pitong beses kundi pitumpu’t pito; Ikalawa, Habag sa kapwa; Ikatlo, Simpleng pamumuhay; Ikaapat, Buhay na walang katiyakan at nalalaan sa Diyos; at Ikalima, Paghahandog ng sarili at pagsasakripisyo para sa iba. Ito ang landas patungo sa Panginoon at sa buhay na walang hanggang kaligayahan kapiling niya. Si Jesus na mismo ang nagsabi, “Malawak ang daan patungo sa kapariwaraan, at marami ang pumapasok doon” Bakit nangyayari ito? Dahil na rin sa likas na kahinaan ng tao at sa panunukso ng demonyo. Hangad ng tao na mamuhay ng may seguridad – at inaakala niyang makakamit ito kung magkakaroon siya ng kapangyarihan at maraming kayamanan. Kakambal dito ang kagustuhang makapagmayabang, huwag malamangan at huwag matalo sa anumang uri ng labanan.Tunay nga, napakaangkop ng kasabihang “ Libre ang Langit, walang bayad, pero, hindi mumurahin.” Mahal na Panginoon, samahan mo kami sa pagtahak sa napakakipot na landas patungo sa iyo, Amen.