Daughters of Saint Paul

Hunyo 26, 2025 – Huwebes | Ika 12- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Mateo 7:21-29

Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Sa araw na yon Marami ang mag sasabing Panginoon, Panginoon. Hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo. Hindi bat nagpalayas kami ng demonyo. At gumawa ng mga himala sa ngalan mo. Ngunit sasabihin ko sa kanila ng walang paligoy ligoy, hinding hindi ko kayo kilala lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. Ang sinumang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhanginan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!” nang matapos si Hesus sa pananalitang ito nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siyang may kapangyarihan hindi gaya ng mga guro ng batas.

Pagninilay:

Sa Mabuting Balita ngayon, itinuturo ni Jesus ang isang mahalagang katotohanan: hindi sapat ang magsabi ng “Panginoon, Panginoon” upang makapasok sa Kaharian ng Langit. Mahalaga ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Sinasalamin nito ang pagkakaiba ng panlabas na pagkilos at panloob na pagsunod.

Para sa lahat—manggagawa, mag-aaral, magulang, mayaman o mahirap—paalala ito na nakikita sa pamumuhay ang tunay na pananampalataya. Maaaring madasalin, palasimba, o naglilingkod, ngunit kung walang tunay na pagsunod at pagsasabuhay ng mga aral ni Jesus, walang kabuluhan ang lahat ng ito.

Ipinapakita ni Jesus sa talinghaga ng dalawang taong nagtayo ng bahay: ang isa sa bato at ang isa sa buhangin. Pareho itong inabutan ng bagyo—tulad ng mga pagsubok sa buhay. Opo, ang bahay na nakatayo sa matibay na pundasyon lamang ang nanatili.

Mga kapanalig: ano ang ating pundasyon? Nakabatay ba ang ating buhay sa mga salita ni Jesus, o sa pansamantalang kaginhawahan, yaman, kasikatan o sariling kagustuhan?

Mahigit na limang dekada nang naglilingkod sa parokya si Aling Mameng bilang tagapaghanda ng mga linen na ginagamit sa misa. Maingat niya itong nilalabhan at pinaplantsa. Wala rin siyang absent sa pagsimba araw-araw. Makailang beses nang napalitan ang kura paroko. Batid ni Aling Mameng na si Jesus ang kanyang pinaglilingkuran bilang volunteer. Kaya kahit sino ang kura paroko, patuloy ang kanyang paglilingkod.

Mga kapanalig, nais ni Jesus na gabayan tayo. Siya ang matibay na bato. Nawa’y gawin nating batayan ang Kanyang mga salita—sa ating paglilingkod, pagpatawad, pagmamahal sa kapwa, at pagka-mababang-loob. At matatag tayong mananatili kahit anong unos ang dumating.

Sa bawat araw, may pagkakataon tayong piliin ang pundasyon ng ating buhay. Nawa’y piliin natin ang pagsunod kay Jesus hindi lamang sa salita, kundi sa gawa—sapagkat doon natin matatagpuan ang buhay na totoo, matatag, at makabuluhan.