Daughters of Saint Paul

Hunyo 27, 2018 Miyerkules sa Ika-12 na Linggo ng Taon / San Cirilo ng Alexandria, Obispo at pantas ng Simbahan

MATEO 7:15-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga asong-gubat naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan? Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.”

PAGNINILAY:

Sa tuwinaý hangad ni Jesus na higit pa nating makilala ang Diyos at makasunod sa kanyang mga utos. Sa Ebanghelyo ngayon, ginamit niya ang katangian ng isang puno para mabigyang-halimbawa ang ating pakikiugnay sa kanya. Sinabi niya, “Namumunga ng mabuti ang mabuting puno at namumunga naman ng masama ang masamang puno.  Ang kabutihaý tulad sa isang balon na kusang binubukalan ng sariwa’t malinis na tubig; gaya rin ito sa isang sanggol na ang matamis na ngiti ng kawalang-malay ay  walang pinipili; o sa marahang haplos ng isang ina na nagbibigay-ginhawa at pumapawi sa pagkabalisa. Ganito ang epekto ng Diyos kapag siya ang namamahay sa ating mga puso at isip.  At tayo na mga anak niya ay marapat lamang na magkaroon din ng ganitong epekto sa iba.  Ngayoý maitatanong natin sa sarili: Karapatdapat ba akong matawag na anak ng Diyos? Masasabi bang nagagampanan ko ang aking mga tungkulin bilang tagasunod ni Kristo? Si Kristo mismo ang pinakadakilang huwaran sa paglalangkap ng kanyang mga salita at gawa.  At para sa atin naman, isang habambuhay ang kailangan para masagot nang buong katapatan ang mga tanong na ito. Kung minsan kasi, kung kailan sinisikap na magawa ang tama, lalo pang parang nagkakapalpakpalpak.  Ang tangi lamang magagawa ay bumangon sa bawat pagkadapa. Sa Diyos lamang makakaasa upang sa tuwinaý magkaugnay ang kilos, diwa at salita.