BAGONG UMAGA
Kilala ka ba ni Jesus? Magandang araw ng Huwebes mga kapanalig/mga kapatid! Kapistahan po ngayon ni San Cirilo ng Alejandria, Obispo at pantas ng Simbahan. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata pito, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t siyam.
Ebanghelyo: MATEO 7:21-29
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Hindi lahat na nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon! Ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba’t nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo? Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’ “Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin ng malakas ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. Ang sinumang nakarinig sa aking mga salita at di nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!” Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
Pagninilay:
Mula po sa panulat ni Fr. Buen Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon.
Gusto mo bang pumasok sa kaharian ng langit? Marami nang santo ang nagsumikap na magbigay sa atin ng halimbawa at gabay kung paano makakarating sa langit. Sa araw na ito hayaan ninyong ibigay ko sa inyo ang isang paraan. Siguradong kung magagawa natin ito 100% makakapasok tayo. Kung gusto mong makapasok sa kaharian ng langit, dapat kamukhang-kamukha ka ni Hesus.
Halimbawa, mamatay ka mamaya, tapos sasalubungin ka sa pearly gates of heaven ni San Pedro. Pagdating mo doon, sasabihin sa iyo ni San Pedro, “may kamukha ka, medyo hawig ka kay Lord, sige pasok ka na.” O kaya makasalubong mo ang sina Padre Pio, St. Therese o San Pablo – sasabihin nila sa iyo, “familiar ang mukha mo, parang lagi kitang nakakausap o nakakasama lalo na kung Linggo, welcome sa iyo.” O pinakamabuti, makasalubong mo mismo ang Panginoong Hesus. Sasabihin niya sa iyo, “Kilala kita. Noong nagugutom ako pinakain mo ako, noong nauuhaw pinainom, noong may sakit dinalaw. Kilalang-kilala kita. Magkamukhang-magkamuha na tayo maging ang ating puso. Ikaw at ako ay tila kambal. Magkatulad tayong dalawa – ikaw rin ay mapagmahal, nagpapatawad, kumakalinga at naglilingkod, at nag-aalay ng sarili para sa kapwa. – Welcome Home sa Tahanan ng Ama. Kung gusto mong makapasok sa kaharian ng langit, dapat kamukhang-kamukha ka ni Hesus.
Dapat kaisa tayo ni Hesus sa isip, kawangis tayo ni Hesus sa puso at salita, at higit sa lahat katulad tayo ni Hesus sa ating mga gawa. Kung magagawa natin maging tulad ni Kristo, Piho, Tiyak, Sigurado – hinihintay tayo sa kaharian ng Langit ng ating Panginoong Hesukristo. Amen.