Daughters of Saint Paul

Hunyo 28, 2017 MIYERKULES Ika-12 Linggo ng Taon / San Ireneo, obispo at martir

 

Gen 15:1-12, 17-18 – Slm 105 – Mt 7:15-20

Mt 7:15-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga asong-gubat naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan?

Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang paghubog sa murang isipan ng mga bata para maging mabubuting tao sila sa hinaharap ang pangunahing tungkulin ng mga magulang sa kanilang mga anak.  Higit pa sa materyal na pangangailangan ng mga bata, ang kanilang pangangailangan ng presensya ng magulang para bigyan sila ng tamang paggabay at pag-aruga habang sila’y lumalaki.  Ang magulang ang unang nagtuturo sa mga bata tungkol sa Diyos.  Tungkulin nilang turuan silang magdasal at turuan ng kabutihang asal.  Tinitingala din ng mga bata ang kanilang mga magulang bilang kanilang modelo.  Ginagaya ang kanilang pagsasalita at pagkilos, pati na rin ang kanilang pakikitungo sa kapwa.  Kaya nga masasabing ang isang tahanang buo – may ama, ina at mga anak – ang pinakamuhasay na unang paaralan ng mga pinalalaking bata.  Nakakalungkot isipin na maraming bata ngayon ang lumalaking walang magulang.  Kung hindi nasa abroad; busy din naman sa pagtatrabaho ang kanilang mga magulang.  Kaya madalas lumalaki ang mga bata na kasambahay lamang ang nagisnang magulang.  Kaya di nakapagtatakang ugaling-kasambahay din ang mga bata.  Swerte na lang ng mga bata kung mabait ang kanilang yaya.  Paano na lamang kung walang malasakit ang yaya, sinasaktan sila at inaabuso? Kawawang mga bata.  Mga kapatid, isang malaking hamon ito sa mga magulang.  Huwag ipagkatiwala sa iba ang pangunahing tungkuling palakihin ng maayos ang inyong mga anak – may disiplina sa sarili, may paggalang sa kapwa at higit sa lahat may banal na pagkatakot sa Diyos.  Hindi sapat ang pagiging mabuting puno para magkaroon ng mabubuting bunga.  Mahalaga rin ang lupang pinagtamnan at kapaligirang kanilang kinalakihan.  Panginoon, matanto nawa ng bawat magulang ang kanilang pangunahing responsibilidad sa mga anak – ang kanilang pagmamahal, pag-aaruga at paggabay, di kayang tumbasan ng anumang materyal na bagay.   Amen.