MATEO 16:13-19
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
PAGNINILAY:
Si San Pedro ang isa sa mga orihinal na labindalawang alagad ni Jesus na naging unang Papa ng Iglesia Katolika. Mula sa Banal na Kasulatan, batid natin ang marami niyang pagkatakot at pagdududa sa panahon ng ministeryo ni Jesus. Siya rin ang tatlong beses na nagtatwa sa kanya, pero, dahil alam ni Jesus na siya ang pinili ng Diyos Ama, kaya winika niya: “Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya…. at ibibigay ko rin sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit.” Dahil kay San Pedro, nabibigkis ang lahat ng kristiyano bilang isang sambayanan sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar. Sa kabilang dako, sinasabing ang pagkausap ni Jesus kay San Pablo sa Damasco, ang pinakamahalagang pangyayari sa mga unang araw ng Iglesya, dahil noon, siya ang pinakamalupit na tagausig ng mga kristiyano. Nang mabatid niya ang kanyang pagkakamali, siya ang naging pinakamasigasig na tagapaghatid ng Mabuting Balita sa mga Judio at sa iba’t ibang lahi sa lahat ng panig ng daigdig. Kagaya ng dalawang Santong pinararangalan natin ngayon, mapagtitibay din natin ang ating pananampalataya kung mananatili tayong tapat kay Jesus, buong kababaang-loob na susunod sa kanyang mga utos at maging mabisang daluyan ng kanyang pagmamahal at habag sa iba sa bawat araw ng ating buhay.