BAGONG UMAGA
Sino ako para sa inyo? Mapagpalang araw ng Sabado mga kapanalig/mga kapatid! Ngayon po ang Daki-lang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, mga Apostol. Maligayang fiesta po sa Pauline Family at sa lahat ng namimintuho sa dalawang haligi ng ating Simbahan! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita.
Ebanghelyo: Mateo 16,13-19
Pumunta noon si Hesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” Pinuri ni Jesus si Pedro sa kanyang sagot, ““Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit.” Kung itutuloy natin ang pagbabasa ng Kabanata 16, pagkatapos lamang ng anim na taludtod, sinabihan ni Jesus si Pedro, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao.”
Ito rin ang karaniwang karanasan nating mga nagpapahayag na si Cristo nga, ang Anak ng Diyos na buháy, ang ating Diyos. Napakadali nating sabihing si Jesus ang ating minamahal na Panginoon, ang ating tagapagligtas. Subalit kapag tayo’y na po-provoke, wala nang makitang bakas na nasa sa atin si Jesus – sa ating hindi lang kakaiba kundi nakakaeskandalong reactions. Likas na napakadali nating magpadala sa tukso. Halimbawa na lamang, sobrang nakaka-enjoy pag-usapan ang buhay ng iba kahit nasa loob pa tayo ng simbahan at kakatanggap pa lamang natin kay Jesus sa Banal na Komunyon. Okay na lang ba ang mag-sinungaling kesa sa marami pang chechebureche? anyway, minsan lang naman? Sino ba talaga si Jesus para sa atin? Suriin natin ang ating pagkatao, nahahalata ba sa ating salita at gawa na tunay nga tayong mga tagasunod ni Cristo? Kapanalig/Kapatid, muling nagtatanong si Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?”