MARCOS 14:12-16, 22 -26
Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, nang kinakatay ang mga tupang pampaskuwa, sinabi kay Jesus ng kanyang mga alagad: “Saan mo kami gustong pumunta para maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Kaya ipinadala niya ang dalawa sa kanyang mga alagad sa pagsasabing: “Pagpunta ninyo sa lunsod, sasalubungin kayo ng isang lalaking may pasang isang bangang tubig. Sumunod kayo sa kanya at sasabihin ninyo sa may-ari ng bahay na pupuntahan niya, ‘Ito ang sabi ng Guro: Nasaan ang kuwarto para sa akin para pagsaluhan naming ng aking mga alagad ang Hapunang Pampaskuwa?’ Ituturo niya sa inyo ang isang malawak na silid sa itaas na ayos na at may mga kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Umalis nga ang mga alagad at pumunta sa lunsod at nakita ang sinabi ni Jesus sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa.
Habang sila’y kumakain, kinuha niya ang tinapay, at matapos magpuri sa Diyos, pinaghati-hati niya iyon at ibinigay sa mga alagad habang sinasabi: “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” Pagkatapos ay kinuha niya ang kalis, nagpasalamat siya at ibinigay sa kanila, at uminom ang lahat. At sinabi niya sa kanila: “Ito ang aking dugo, ang dugo ng Tipan, na ibinubuhos para sa marami. Sinasabi ko rin sa inyo: hindi na ako iinom pa ng galing sa ubas hanggang sa araw ng inumin ko ang bagong alak sa kaharin ng Diyos.” At pagkaawit ng mga salmo pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
PAGNINILAY:
Sinulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon. Ngayong kapistahan ng Corpus Christi o Katawan at Dugo ni Kristo, magdaraos sa maraming parokya ng prusisyon ng Santisimo Sakramento mamayang hapon. Naaalala ko po noong bata ako na sumasama kami sa prusisyon at umaawit ng “Christus vincit, Christus regnat, Christus imperat!” Hindi ko naintindihan noon ang ibig sabihin ng mga salitang Latin pero ang karanasan sa pagsama sa prusisyon mismo ang nagpaliwanag sa akin na ang Eukaristiyang tinatanggap sa komunyon, hindi lamang para sa akin o sa mga taong sumasampalataya kundi para sa buong sambayanan. Si Kristo na namatay sa krus at nag-alay ng kanyang katawan at dugo bilang pagkain natin magpakailanman, nagtagumpay laban sa kasalanan, sa kamatayan at kasamaan. Siya ang naghahari sa lahat, at sa kanya mararanasan natin ang kaganapan ng buhay. Pero bakit marami ang hindi nagsisimba? At marami rin sa mga nagsisimba ang hindi tumatanggap ng Komunyon? Kapanalig, lumapit tayo sa Kanya. Kung may mabigat kang kasalanan, huwag kang mag-atubiling mangumpisal upang maging karapat-dapat sa pagtanggap kay Jesus. Sa Eukaristiya, inaalay ni Jesus ang sarili sa Ama at sinasamahan natin siya sa ating panalangin. Sa Komunyon, nagkakaisa tayong mga Kristiyano sa pananampalataya at pag-ibig kay Kristo. Ang Eukaristiya ang bukal ng lahat ng biyayang ating kailangan. Tatanggi ka pa ba?