EBANGHELYO: Lk 9:51-62
PAGNINILAY:
May mga taong naghahangad ng kapangyarihan. Ito ang dahilan kung bakit maraming tumatakbo para iba’t ibang posisyon sa Pamahalaan tuwing eleksiyon, dahil sa kanilang paghahangad na magkaroon ng kapangyarihan. Samantala, ang kapangyarihan, maaaring maging mapanganib sa kawalan ng responsibilidad at tunay na pagkalinga sa tao. Kung pansariling interes ang nagtulak sa tao para maghangad ng kapangyarihan, tunay na mapanganib ito sa taong kanyang paglilingkuran. At ang kapangyarihang ginagamit sa gitna ng di ma kontrol na emosyon, maaaring magdala sa karahasan at paghihiganti. Tulad nang narinig natin sa Ebanghelyo, dahil sa karanasan nang di pagtanggap sa nayon ng Samaritano, karahasan ang agad-agad na reaksyon nina Juan at Jaime. Nanaig sa kanila ang galit kung kaya’t sila’y pinagsabihan ni Jesus na lumipat ng lugar para maiwasan ang gulo. Mga kapatid, tayo rin, may pinanghahawakang kapangyarihan sa iba’t ibang paraan. Sa paghahangad natin nang kapangyarihan tulad ng hiniling ng ina ng dalawang alagad na ito, nababatid ba natin kung saan tayo maaaring dalhin nito? Matanto sana natin, na anumang kapangyarihang pinanghahawakan natin sa kasalukuyan, kaloob nang Diyos. Siya nawa ang maging huwaran natin sa wastong paggamit ng ating kapangyarihan.
