BAGONG UMAGA
Huwag kang mangamba ‘di ka nag-iisa. Magandang araw mga kapanalig/mga kapatid! Nasa Ika-13 Linggo na po tayo sa Karaniwang Panahon. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata lima, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t apat, at tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t tatlo.
Ebanghelyo: MARCOS 5:21-43
Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkulumpunan siya ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay.” Kaya umalis si Jesus kasama n’ya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniisturbo ngayon ang Guro?” “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” At wala s’yang pinayagang sumama sa kanya liban kina Pedro, Jaime at Juang kapatid ni Jaime. Pagdating nila sa bahay nakita n’ya ang kaguluhan, may mga nag-iiyakan at labis na nagtataghuyan. Pumasok si Jesus at sinabi: “Bakit nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” At pinagtawanan nila siya. Ngunit pinalabas ni Jesus ang lahat, at ang ama at ang ina lamang nito ang isinama at ang kanyang mga kasamahan. Pagpasok niya sa kinaroonan ng bata, hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum,” na ang ibig sabihi’y ‘Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.’ At noon di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. Huwag mawalan ng pananampalataya at pag-asa sa kabila ng mga pagsubok na dumarating sa ating buhay. Ito ang katuruan ng ating Ebanghelyo ngayong araw. Isang modelo para sa atin si Jairus. Lumapit si Jairus kay Hesus upang magsumamo na pagalingin ang kanyang anak na may malubhang karamdaman. Kaya lang, dumating ang malungkot na balita na wala na itong pag-asa. Ngunit sa kabila ng pagkabigo at pangamba, nanatili si Jairus na may tiwala kay Hesus. Ang kanyang pananampalataya at pagtitiwala ay nagbunga ng himala, at nagbigay-daan ito sa pagkabuhay muli ng kanyang anak. Sa pagtitiwala at pananampalataya ni Jairus, matututunan natin na kahit gaano kahirap ang sitwasyon, may pag-asa pa rin sa pamamagitan ng Diyos. Ang kwento ni Jairus ay paalala sa atin na kahit anong hamon ang ating hinaharap, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at pananampalataya. Magtiwala at manalig tayo kay Hesus sa bawat yugto ng ating buhay. Hindi tayo dapat padala sa takot o pangamba; bagkus dapat tayong maging matatag sa ating pananampalataya. Ito ang paalala sa atin ng kantang Huwag Kang Mangamba na hango kay propeta Isaias. “Sa tubig kita’y sasagipin. Sa apoy ililigtas man din. Ako ang Panginoon mo at Diyos. Tapagligtas mo at tagatubos. Huwag kang mangamba ‘di ka nag-iisa. Sasamahan kita saan man magpunta. Ika’y mahalaga sa ‘king mga mata. Minamahal kita. Minamahal kita.”