EBANGHELYO: Mk 12:35–37
Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya: “Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na Anak ni David ang Mesiyas? Sinabi nga ni David nang magsalita siya sa Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’ Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, puwede bang anak siya ni David?” Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Emma Lusterio ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa Ebanghelyo. Napakaikli ng Mabuting Balitang narinig natin, pero punong-puno ito ng mga aral na magsisilbing hamon sa ating lahat. Mga kapatid, tanungin natin ang ating mga sarili: Gaano ko ba kakilala ang Diyos? Kinikilala ko ba Sya na “Hari at Panginoon ko? Mayron ba akong personal na ugnayan sa Kanya? Sya ba ang tunay na naghahari sa aking buhay? Nagsisimba ba ako para ipagdiwang ang aking personal na relasyon at pagmamahal sa kanya? O nagsisimba lang ako dahil ito’y obligasyon at meron akong hihingin sa Kanya? Minsan kapag punong-puno tayo ng ating “sarili”, nawawalan tayo ng “pokus” at hindi na natin kinikilala ang kanyang presensya. //Kung kinikilala natin si Kristo bilang Hari at ating Panginoon, aanyayahan natin Siyang maghari sa ating puso’t isipan at buong pagkatao. Hahayaan natin Siyang samahan tayo sa bawat sandali ng ating paglalakbay, lalo’t higit sa panahon ng ating paghihirap dulot ng “Pandemyang hinaharap natin araw-araw.”// Sa ating patuloy na pagninilay hilingin natin ang grasya ng Banal na Espiritu upang kusang loob nating ipagkatiwala at ipagkaloob sa kanya ang ating mga pagdududa at takot, dulot ng mga samu’t saring karanasan – maging sa pamilya, matalik na kaibigan, at maging sa karamdaman. Nawa sa patuloy nating paglalakbay, lagi nating tatandaan na ang Diyos ay “Buhay” at handang dumamay sa ating mga tagumpay at kabiguan, at Syang nagbibigay pag-asa at lakas sa atin. Hayaan nyo pong tapusin ko ang aking pagninilay sa awit na katha ni David na nagbibigay din sa akin ng inspirasyon. “Sinabi ni Yahweh, sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.” Amen.