MARCOS 12:13-17
Gustong hulihin ng mga Judio si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Priseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napapadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao kundi ang daan ng Diyos ang tunay na itinuturo. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit n'yo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Nabalitaan nyo siguro ang nangyari kay Sr. Patricia Fox noong nakaraang Abril. Inaresto ang pitumpu’t isang taong gulang na Australianang madre ng Bureau of Immigration, dinetain at pagkatapos, pinauwi. Undesirable alien daw si Sr. Pat dahil pinupuna niya ang pamahalaan at nagpasya sila na i-deport siya. Sa nakalipas na dalawampu’t pitong taon ginampanan ni Sr. Pat ang tungkulin niya bilang isang misyonera dito sa Pilipinas. Dahil sa abugada siya, tinutulungan niya ang mga magsasaka at mga katutubong Pilipino na mabigyan ng katarungan. Hindi ba sinabi ni Jesus na anumang gawin para sa mga kapatid niyang maliliit, ginagawa rin para sa kanya? Sinasabi ni Jesus na marapat lamang na sundin at magpasakop sa sinumang namumuno sa bayan – ito ang sinasabing “para sa Cesar,” ang pinuno ng bayang Israel sa panahon ni Jesus. Subalit iba ang para sa Diyos. Hindi saklaw ng pamahalaan ang misyon ni Sr. Pat dahil ang Panginoong Diyos na maylikha ng langit at lupa ang kanyang sinusunod at pinaglilingkuran. Tinalikuran niya ang kanyang bayan at ang lahat ng yaman at kaginhawahan sa buhay upang maglingkod sa Panginoon. Ibinibigay niya ang buong buhay niya sa Diyos at sa kapwa sa pagiging misyonera, lalo na sa walang kapagurang pagtulong sa mga inaapi at naghihirap. Maganda sigurong tanungin din natin ang ating sarili: “Ibinibigay ko ba ang nararapat na pagsunod, pagpupugay at pagsamba sa Diyos? Sinusunod ko ba ang utos na mahalin ang Diyos at kapwa? Handa ba akong manindigan para sa mga maralita at inaapi?” Panginoon, tulungan Mo po akong makapaglingkod Sa’yo at sa aking kapwa kahit sa maliliit na kabutihang minarapat mong magawa ko nang may pagmamahal. Amen.