Daughters of Saint Paul

HUNYO 5, 2021 – SABADO SA IKA-SIYAM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:38–44

Sinabi ni Jesus sa kanyang pagtuturo: “Mag-ingat kayo sa mga guro ng Batas na gustong lumakad na nakabarong at batiin ng mga tao sa liwasan, at mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga handaan at sa sinagoga. Nang-uubos sila ng mga bahay ng mga biyuda, at nagdarasal nang mahaba para may idahilan. Napakatindi ng magiging hatol sa mga ito.” Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman at tiningnan ang paghuhulog ng mga tao ng pera para sa Templo. At may dumating na isang pobreng biyuda na naghulog ng dalawang barya. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Talagang sinasabi ko sa inyo na pinakamahalaga sa lahat ang inihulog ng biyudang ito sa kabang-yaman. Naghulog nga ang lahat mula sa sobra nila ngunit s’ya nama’y mula sa kanyang kasalatan. Inihulog nga n’ya ang lahat ng nasa kanya—ang mismong buhay n’ya.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Arlene Banta ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Minsan mo na bang naitanong, bakit ako nagbibigay?  Ang Ebanghelyong ating narinig ay maaring sumalamin sa paraan ng ating pagbibigay? Sino ba ang ating katulad, ang eskriba ba o ang dukhang balo?  Tama!  Dapat nating tularan ang dukhang balo, na ibinigay ang buo niyang ikabubuhay. May isang parte ng aking pagkatao, na naging magkatulad kami ng babaeng balo sa ebanghelyo. Nagsimula ako na walang-wala talaga sa buhay.  Narinig ko ang Mabuting Balita tungkol kay Hesus, naranasan ko ang dakilang pagmamahal Niya, pero, dahil wala pa akong financial means noon, kokonti lang ang naibibigay kong tulong at serbisyo sa Simbahan at sa mga taong nangangailangan.  Iyon lang kasi ang kaya ko ibigay.  Ngunit sa paglipas ng panahon, pinagpala ako ng Panginoon sa maraming aspeto ng aking buhay, nang hindi ko napapansin.  Kaya napuspos ng pasasalamat sa Diyos ang aking puso, dahil lumaki ang kapasidad kong makatulong.  Alam kong ang blessings na aking tinanggap ay di lamang para sa akin, kundi marapat na ibahagi.  Kaya mas lalo akong napalapit sa ating Diyos.  Tinuruan ako ng pagmamahal ko sa Diyos ng pagbibigay, kahit ito na ang pinakamahalaga sa akin.  Ipinakikita rin naman ng Diyos ang pagmamahal Niya sa akin sa lahat ng pagkakataon sa aking buhay.  Wala nang mas mahalaga sa akin kundi ang magmahal, manalangin, at magtiwala sa kalooban ng Diyos!   Amen.