Ebanghelyo: Jn 17:20-26
Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahahayag ko sa kanila ang Pangalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.”
Pagninilay:
Sa Mabuting Balita ngayon, nasasaksihan natin ang malalim na panalangin ni Jesus hindi lamang para sa kanyang mga disipulo kundi para sa lahat na magiging mananampalataya – kabilang tayo ngayon. Nanalangin si Jesus na maging isa tayong lahat, kung paanong ang Ama ay nasa sa Kanya at Siya ay nasa Ama. Na-touch ako sa kung paano tayo direktang isinama ni Jesus sa kanyang panalangin. Kahit na humaharap siya sa nalalapit na pagpapako sa krus, inisip ni Jesus ang mga mananampalataya sa lahat ng henerasyon. Tunay ngang personal na kilala at minamahal tayo ni Jesus. Opo, tama po ang inyong narinig, kilala ni Jesus ang bawat isa sa atin at bago pa man ipinanganak ang ating mga ninuno, kasama na tayo sa kanyang panalangin. Ipinagdasal ni Jesus na tayo’y magkaisa, na ang pagmamahal ng Ama sa Kanya ay manatili sa atin.
Mula nang namayapa ang kanilang mga magulang, hindi na sila nagkita-kitang magkakapatid. Malungkot na ibinahagi ni Sonia, “nagkaroon po kami ng hindi pagkaka-unawaang humantong pa sa korte.” Aktibong naglilingkod si Sonia sa kanilang parokya bilang lector at commentator. Nananalig siyang sa habag ng Panginoon na sa tamang panahon, maayos din ang lahat sa kanilang magkakapatid. Pagbabahagi niya, “hindi po ako mapapagod sa pananalanging muli kaming magkapatawaran at magkaisa sapagkat walang imposible sa banal na awa ni Jesus.”
Mga kapanalig, suriin po natin ang ating mga sarili. Ano ba ang mga hakbang na ating ginagawa upang maging instrumento tayo hindi ng pagkakawatak-watak at paglaho ang pagmamahalan kundi ng pagkakaisa at pagmamahalan sa ating pamilya at komunidad? Habang hinaharap natin ang mga hamon ng buhay, nawa’y magsumikap tayong tupdin ang panalangin ni Jesus sa abot ng ating makakaya. Tulungan nawa Niya tayong maging tapat sa pagsasabuhay ng kanyang kalooban. Amen.