MARCOS 12:18-27
Lumapit naman kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli, kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ang kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibo ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, kung mabubuhay silang muli, kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” Sumagot si Jesus: “Di kaya bunga ng di ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamai? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babe kundi para na silang mga anghel sa Langit.
At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanta ng palumpong: Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga Pariseo ang madalas na ka-debate ni Jesus. Kakaiba ang ebanghelyo sa araw na ito dahil nakipagtalastasan siya, hindi sa mga Pariseo kundi sa mga Saduseo dahil hindi sila naniniwala sa pagkabuhay na muli. Para sa kanila, natatapos ang buhay sa huling hininga at bumabalik lang ang tao sa abo. Pinaliwanag ni Jesus na sa muling pagkabuhay, ang mga namatay, mamumuhay na parang mga anghel sa langit kasama ng Diyos na Diyos ng mga buhay, hindi ng mga patay. Minsan, para tayong mga tagasunod ng mga Saduseo. Nabubuhay tayo dito sa lupa na parang walang naghihintay sa atin sa kabilang buhay. Nauubos ang ating panahon, lakas at pagpupunyagi para sa mga bagay na kailangan natin sa buhay natin dito. Nakakalimutan natin na mas mahaba at walang katapusan ang buhay na naghihintay sa atin sa kabila. Lahat ng yaman, katanyagan at layaw dito sa mundo, magtatapos sa kamatayan at wala tayong madadala pagpunta natin sa kabilang buhay. Gamitin nawa natin ang panahon at lahat ng biyayang ating tinatanggap para paghandaan ang kabilang-buhay! Doon makakapiling natin ang Diyos sa kanyang kaluwalhatian at kaligayahang walang hanggan!