MARCOS 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: 'Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay ngayon. Naalala ko yung pamangkin ko na minsang inutusan ko. Inis siyang sumagot: “Puro utos, puro utos! Kahit saan ako pumunta lagi na lang ako ang inuutusan!” Hindi ba minsan, ganyan din ang saloobin natin. “Sa lahat ba ng bagay, kailangan may susundin na utos? Wala ba akong kalayaang gawin kung ano ang gusto ko? Hindi na ako batang paslit!” Nauunawaan ni Jesus ang ating saloobin kaya nga’t binigyang diin niya ang pinaka-ugat ng mga utos: ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Ito ang simpleng gabay para isabuhay ang Sampung Utos ng Diyos. Hindi na kailangan ang mahahabang dasal at sari-saring alay o mga sakripisyo tulad ng mga Hudyo. Pero paano ba ito isasabuhay sa araw-araw? Paano susunod sa utos at magpakabanal? Narito ang isang halimbawa mula kay Pope Francis sa sulat niyang Gaudete et Exsultate: “isang babae ang nag-shopping. Nasalubong niya ang isang kapitbahay, nag-usap sila, at nagsimula ang tsismis. Ngunit sabi niya sa kanyang puso: "Hindi, hindi ako magsasalita ng masama laban kaninuman." Isang hakbang ito pasulong sa kabanalan. Pagdating sa bahay, gusto siyang kausapin ng kanyang anak tungkol sa mga pangarap nito. Kahit pagod na siya, umupo siya at nakinig nang may pasensya at pagmamahal. Isa pang sakripisyo na nagdudulot ng kabanalan. Nang bigla siyang nabalisa, naalala niya ang pag-ibig ng Birheng Maria, kaya’t kinuha niya ang rosaryo at nanalangin nang may pananampalataya. Isa pang landas ng kabanalan. Paglabas niya sa lansangan, nakita niya ang isang dukha at tumigil siya upang magiliw itong kausapin. Isa pang hakbang ng kabanalan.” Kapanalig, ano ang tawag ng Panginoon para isabuhay mo ang kanyang utos sa araw na ito? Ihabilin natin sa Kanya ang mga gawain natin sa buong maghapon, nang magampanan natin ito ayon sa Kanyang Mahal ng kalooban.