BAGONG UMAGA
Dumaloy ang dugo at tubig. Mapagpalang araw ng Biyernes mga kapatid/mga kapanalig! At maligayang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing siyam, talata tatlumpu’t isa hanggang tatlumpu’t pito.
Ebanghelyo: JUAN 19:31-37
Ayaw ng mga Judeo na manatili sa krus ang mga bangkay sa araw ng pahinga. Paghahanda ng paskwa noon, kaya mas dakila pa ang araw na yon ng pahinga at hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo, binali nila ang binti ng una, at pati ang panglawa na ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Hesus nakita nilang patay na sya, kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayon may sinibat ng isa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay at totoo ang kanyang patunay, at siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo. Gayon kailangan maganap ang nasusulat, walang babaliin sa kanyang mga buto, at sinasabi pa ng isang kasulatan, pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.
Pagninilay:
Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Sa Mabuting Balita ngayon, “sinaksak ng isang kawal sa pamamagitan ng sibat ang tagiliran ni Jesus, at agad lumabas doon ang dugo at tubig.” Mula sa sugatang puso ng isang patay, lumagalas ang dugo at tubig. Sa Divine Mercy chaplet, dinarasal natin, “O Banal na Dugo at Tubig, dumaloy mula sa puso ni Hesus bilang Bukal ng Awa, para sa aming lahat, ako ay nananalig sa Iyo.”
Naikwento sa akin minsan ng isang malapit na kaibigan, na tinanong daw siya ng naiinis niyang mga kamag-anak, “Bakit mo pa tinanggap yang baldado mong asawa? Mahigit nang tatlong dekada mula nang iniwan ka niya. Ni hindi nga siya nakaalalang sustentuhan ang mga anak niyo!”
“Bakit nga ba?” ang tanong ko.
Mahinahon niyang ipinaliwanag, “Sister, sugatan man at nasaktan, may kapangyarihan pa ring magmahal.”
Walang sinuman ang hindi nasugatan at nasaktan. Ang kapangyarihang magpatawad at magmahal, sugatan man at nasaktan, ang handog ng Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang sugatang Puso ni Hesus. Nawa’y tularan natin ang kanyang hindi pagbitaw sa ating lahat, kahit na patuloy siyang sinasaktan ng ating mga kasalanan. Sa kanyang dakilang habag, hindi siya nag-atubiling magpatawad. Ni hindi nababawasan ang kanyang dalisay na pagmamahal sa ating lahat. Sa gitna ng lahat ng mga pagsubok ng buhay, manalig tayo sa tagumpay ng Dakilang Pagmamahal ni Hesus.