Daughters of Saint Paul

Hunyo 8, 2025 – Linggo ng Pentekostes (K)

Ebanghelyo: Jn 20:19–23

Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi n’ya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi n’ya nito, ipinakita n’ya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli n’yang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan! Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayun ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi n’ya nito, hiningahan n’ya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at panatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin

Pagninilay:

Pagkatapos natin ipagdiwang ang Muling Pagkabuhay ni Jesukristo sa loob ng pitong Linggo, umabot tayo ngayon sa ika-50 araw na kung tawagin natin ay Pentekostes. Kaugnay ng pagdiriwang natin sa dakilang kapistahang ito ang isang mahalagang karanasan ng mga Judio sa Lumang Tipan. Mula sa paglaya nila sa Egipto (na kung tawagin ay Exodo) lumakad sila ng 50 araw bago umakyat si Moises sa Bundok ng Sinai. Doon, tinanggap ni Moises mula kay Yaweh ang Sampung Utos ng Diyos.

May dalawang kuwento tayong napakinggan tungkol sa paglapag ng Espiritu Santo sa mga unang alagad. Sa Aklat ng Mga Gawa, nagimbal ang labindalawang alagad ng isang malakas na hagunot ng hangin habang nagkakatipon sila sa isang lugar. Lumapag sa kanila ang animo’y mga dilang apoy. Napuspos sila ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika. Nagdulot ng malaking ugong ang paglapag ng Espiritu Santo sa mga apostol kaya’t dumagsa ang mga Judiong palasamba sa Diyos. Buhat sa iba’t ibang mga bansa ang mga Judiong ito na noo’y naninirahan sa Jerusalem. Pamilyar sila sa wikang gamit sa iba’t ibang mga bansa na pinagmulan nila. Kaya’t Gayon na lamang ang kanilang pagtataka kung paano nakapagsasalita ngayon ang mga Apostol sa iba’t ibang mga wika gayong batid nila na ang mga ito’y mga taga-Galilea at hindi kailanman nakalabas ng Israel.

Matatandaan natin ang Tore ng Babel sa Genesis. Hinangad ng mga tao sa Babel na magtayo ng mataas na lungsod na aabot sa langit upang matanyag sila sa lahat ng mga bansa at hindi magkawatak-watak. Hindi nagbunga ng mabuti ang kahambugan nila. Ginulo ni Yawe ang kanilang pagsasalita hanggang hindi nila naunawaan ang isa’t isa at kumalat sila sa iba’t ibang dako ng daigdig. 

Sa ebanghelyo natunghayan naman natin kung paanong mismong si Kristong muling nabuhay ang napakita sa kanila. Ipinakita niya ang mga sugat niyang natutuyo na. Dalawang ulit na ibinigay sa kanila ang Kapayapaan saka ipinagkaloob sa kanila ang Espiritu Santo. Kaakibat ng biyaya ng Espiritu Santo ang misyong iginawad sa mga Apostol na humayo at magpatawad ng mga kasalanan ng sangkatauhan.

Malaki ang atraso ng mga Apostol kay Jesus noong arestuhin siya hanggang sa humantong sa bingit ng kamatayan. Nagpulasan sila maliban kay Juan. Ngunit hindi bumalik si Jesus para bulyawan sila at maghiganti. Hindi rin niya ineche-puwera ang mga Apostol. Maari sanang pumili siya ng mga bagong alagad, pero sila pa rin ang kanyang pinili at hinirang na mag-misyon. Ginawa niya ito samantalang taglay pa niya sa kanyang mga palad at tagiliran ang mga patunay kung paano siya tinalikuran ng mga taong itinuring niyang mga kaibigan.

Panginoon, pahalagahan po nawa namin ang biyaya ng iyong banal na Espiritu. Malayo po ito sa mga tipak na bato kung saan inukit ang mga batas ni Yawe. Sa puso po naming inukit ang bagong batas. Ito ang regalo ng pag-ibig mula sa Diyos na nagtuturo sa amin na maari kaming magpatawad sa nagkasala sa amin kahit hindi pa naghihilom ang mga sugat at nadarama pa rin naming ang sakit ng kasamaang ginawa sa amin ng aming kapwa.