Daughters of Saint Paul

Hunyo 9, 2018 Sabado sa Ikasiyam na linggo ng Taon / Kalinis linisang Puso ni Maria (Paggunita)

LUCAS 2:41-51

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila.  Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.

PAGNINILAY:

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose ang pagninilay ngayon.  Nagulantang po ang bayang Pilipino nang magdesisyon ang Korte Suprema na alisin si CJ Sereno, ang Chief Justice ng Supreme Court. Sari-sari po ang mga reaksiyon at mga haka-haka. Gusto ko pong bigyang pansin ang pahayag ni Sereno pagkatapos na siya’y mapatalsik. “Matatag ang pananampa-lataya ko na kontrolado ng Diyos ang lahat. May bigger picture dito.” Hindi ko inaasahan ang tugon niya, na nagpaalala sa akin sa huling mga salita sa ebanghelyo natin sa araw na ito: “Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.” Tanging ang taong marunong magdasal at mag-ingat ng mga pangyayari ng kanyang buhay ang makapagpapatunay ng pananalig niya sa Diyos.  Hindi marahil tayo kasing-tanyag o kasing-galing ni CJ Sereno pero maraming nangyayari sa buhay natin na hindi natin naiintindihan. Nagtatanong ang marami: “Bakit nangyayari sa akin ang mga problemang ito? Mabait naman ako: nagsisimba tuwing Linggo, tumutulong sa mahihirap at nagrorosaryo. Bakit pinagpapala yung ibang malayo sa Diyos? Kung sino pa ang malapit ang pinaparusahan niya. Kapatid, naghirap din ang Mahal na Inang si Maria na kalinis-linisan ang puso. Siguro, kailangan nating ibahin ang ating pananaw. Mahirap ang buhay, hindi ba iyan ang sinigurado ni Jesus, ang krus – pantay-pantay tayo diyan. Walang pinipili ang karamdaman o kamatayan. Pero isang bagay ang itinuturo ng ating Mahal na Ina: kahit hindi natin maintindihan ang mga pangyayari, ingatan natin ito sa ating puso. Hintayin nating ibunyag sa atin ng Panginoon ang “bigger picture” gaya ng sabi ni CJ Sereno. Sa panalangin at pakikinig sa tinig ng Ama, mauunawaan natin ang pinakamahalagang katotohanan tungkol sa sitwasyon at ang mga epekto nito sa iba pang mga bagay.  Kalinis-linisang puso ni Maria, bigyan mo kami ng pananampalataya at pananalig na handang manahimik at makinig sa mga sorpresa ng Diyos sa aming buhay. Amen.