Daughters of Saint Paul

HUNYO 9, 2021 – MIYERKULES SA IKA-10 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 5:17-19

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master ang pagninilay sa ebanghelyo.  Malinaw ba sa iyo kung bakit ka sumusunod sa mga safety protocols ngayong panahon ng pandemya? For safety nga lang ba o meron pang mas malalim na dahilan?// Sinasabi ni Hesus sa Mabuting Balita ngayon na Siya’y pumarito hindi para balewalain o alisin ang anumang batas, kundi isakatuparan ang mga ito ayon sa pag-ibig na kaloob ng Ama. Oo, pag-ibig ang dahilan kaya Sya pumarito at pag-ibig din ang nais Niyang maghari bilang batas sa puso ng lahat.// Sa tradisyon ng mga Judio, kapag sinabi nilang “naaayon sa batas” ang isang bagay o gawain, ibig nilang bigyan-diin na ito ay naaayon sa Banal na Kasulatan.// Para sa ating mga Kristiyano, si Kristo ang kabuuan at katuparan ng lahat ng nakasaad sa Banal na Kasulatan. Siya mismo ang Verbo, ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nananahan sa atin.// Mga kapatid, naririto pa rin tayo, kasalukuyang tinatahak at hinaharap ang unos na dulot ng pandemya. Kumusta na ang ating pagsunod sa mga safety protocols? Tapat pa rin ba tayong sumusunod at gawin ang mga ito, o medyo humihina na ang ating pag-asa? (Wala din namang nangyayari, eh para saan pa?… sabi nga ng iba. Maraming boses tayong naririnig…okay lang na walang masks…ah, party pa rin kahit saan, as long as di alam ng kinauukulan.// Mas mabuting pagnilayan natin ang ating ugali sa panahong ito. Napadadala na rin ba tayo sa iba, o kaya’y sumusunod na lamang para walang sabit at gulo?)// Balikan natin ang pinaka-intensyon ng bawat pagsunod sa batas ng ating lipunan. Ito ay para sa kabutihan ng lahat. At bakit natin dapat hangarin ang pangkalahatang kabutihang iyon? Dahil ito ang paraan ng pagsasabuhay ng batas ng Pag-ibig ng Diyos na turo ni Hesus. Nawa’y taus-puso nating gawin ang mga protocols na ito dahil iniisip din natin ang kapakanan ng iba at hindi lamang ang ating sarili. Ito nga ang batas ng Pag-ibig—ang magmalasakit din sa kapwa.// (Mga kapatid, hangad nating lahat na matapos na ang pandemyang ito kaya magtulungan tayo. Sa pamamagitan ng ating pakikiisa sa pagsunod ng mga protocols, nawa’y maging instrument tayo  para paalalahanan ang bawat isa.)