Daughters of Saint Paul

Hunyo 9, 2025 – Lunes | Ika-10 linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Jn 19:25-35

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat ngunit kailangang maganap ang isa pang kasulatan at sinabi n’ya: “Nauuhaw ako.” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak kaya ikinabit nila sa isang isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniiti nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi n’ya: “Natupad na.” At pagkayuko ng ulo, ibinigay n’ya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig.

Pagninilay:

“Naganap na!” Sa Kanyang kamatayan sa krus, natupad ni Jesus ang misyong ipinag-katiwala sa Kanya ng Ama:ang pagtubos sa sangkatauhan. Napakasakit ng Kanyang dinanas, ngunit nagtiis Siya hanggang wakas. Ang saya niya siguro noong humarap Siya sa Ama at nagsabing: ‘Mission accomplished!

Bawat isa sa atin ay may misyon dito sa mundo. Halimbawa, ang maging magulang, guro, doktor, manggagawa, caregiver, at iba pa. Patuloy na inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, at gusto Niyang isali tayo dito. Kapanalig, sa present situation mo, tinutupad mo ba ang iyong misyon? O masyado kang abala sa iyong career o mga projects, na para bang sa ‘yo lang ang buhay mo, at hindi mo na iniisip kung ano ang kalooban ng Diyos para sa iyo?

Maswerte ka kung ang trabaho mo ay paglilingkod sa kapwa na nagbibigay sa iyo ng kagalakan at katuparan. Maaring ito nga ang iyong misyon. Pagbutihin mo ito, at lalo pang madaragdagan ang iyong kasiyahan araw-araw. Hindi lang iyan; walang-hanggang gantimpala ang naghihintay sa iyo sa langit!

Ang misyon natin ang nagbibigay-kahulugan sa ating buhay. Feel natin na may silbi tayo sa pagpapalago ng kaharian ng Diyos at nakapagpapasaya tayo ng ating kapwa. Pero ‘di ba, may mga pagkakataong mahirap ang misyon? Gumagawa tayo ng mabuti, pero hindi tayo nauunawaan. Tumitindig tayo para sa katotohanan at katarungan, pero tayo ang inuusig. Kaya natutukso tayong mag-give up.

Sandali lang, kapanalig! Panahon ito para manalangin at humingi ng panalangin sa iba. Tulad ng mga atleta, itutok natin ang paningin sa finish line, “Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan.” (Hebreo 12:2). Nang sa huli, tulad Niya, ay masabi din natin: “Mission accomplished!”

Panalangin: “Panginoong Jesus, aming Guro at Gabay, tulungan Mo kaming kilalanin ang aming misyon at tuparin ito nang may determinasyon, pagmamahal, at katapatan, tulad ng ginawa Mo. Amen.”