Daughters of Saint Paul

MARSO 3, 2022 – HUWEBES KASUNOD NG MIYERKULES NG ABO

Mapayapang araw ng Huwebes, mga Kapanalig!  Pasalamatan natin ang Diyos sa bagong handog ng buhay.  Ngayong panahon ng Kuwaresma, maalab ang paanyaya sa atin ng ating Mahal na Jesus Maestro na iayon ang ating buhay sa Kanyang sagradong kalooban.  Nakahanda ba tayong sumunod sa Panginoon sa araw na ito?  Ito ang inyong kapanalig, Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul, nag-aanyayang ihanda na natin ang ating buong pagkatao sa pakikinig ng Mabuting Balita ayon kay San Lukas  kabanata siyam, talata dalawampu’t dalawa hanggang dalawamput lima. 

EBANGHELYO: LUCAS 9: 22-25

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Kung may gustong sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus araw-araw para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan nito alang-alang sa akin ay siyang makapagliligtas nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig at mawawala naman o mapapahamak ang kanyang sarili?” 

PAGNINILAY

Talikdan ang sarili, pasanin ang iyong krus at sumunod sa akin. Ito ang pamantayan na ibinilin sa atin ng Panginoong Hesus kung nais nating maging kaniyang alagad. Radikal na pagbabago ang hinihiling nito sa bawat makakarinig lalo na para sa mga alagad. Sa unang pagdinig, maaaring sabihin na parang napakabigat at imposible ang mga pamantayang ito. Makakaya ba ng taong limutin ang kanyang sarili o magpasan ng mabibigat na krus araw – araw at sumunod sa mga yapak ng Panginoon? Paano mo ito magagawa? Ano ang magtutulak sa iyo para magawa ito? Sa nakalipas na libong taon, masasabi nating kayang gawin ito ng tao. Mismo, ang mga santo at mga martir ng ating pananampalataya ang nagbibigay halimbawa sa atin na posible ito. Nariyan din ang mga magulang na handang talikdan ang mga pansariling pangangailangan. Handang magsakripisyo sa loob ng mahabang panahon para sa mga anak at buong pamilya. Nariyan ang mga kaibigan at mga volunteers na nagtutulungan upang maitawid ang pangangailangan ng bawat isa sa gitna nitong pandemya. Nariyan ang mga tapat na mananampalatayang patuloy sa pananalangin at paggawa ng mabuti sa kapwa. Lahat ng ito kanilang napagtagumpayan dahil pag-ibig ang nagtulak sa kanila, dahil nakaugat ang lahat sa karanasan sa pag-ibig ng Diyos.  Ito ang susi – ang pag-uunawa na mahal tayo ng Diyos at gagawin natin ang mga pamantayan ng Panginoon dahil mahal natin siya. Hindi imposibleng talikdan ang sarili at magsakripisyo para sa minamahal. Kung tunay nating mahal ang Diyos at nais nating sundan ang kanyang mga yapak, hinihiling Niya, una sa lahat ang ating ganap at buong pagmamahal. Tandaan, Radikal ang tawag ng pagsunod kay Hesus. Radikal na pagmamahal. Sa panahong ito ng kuwaresma, huwag matakot magmahal, talikdan ang sarili at magsakripisyo para sa minamahal. Ito ang daan tungo sa kabanalan.