Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 14, 2026 – Martes, Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 3:7-15

          Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Huwag kayong magtaka dahil sinabi ko na kailangan ninyong isilang mula sa itaas. Umiihip ang hangin saan man nito ibig, at naririnig mo ang ihip nito, subalit hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan papunta. Gayon nga ang bawat isinilang sa Espiritu.”

 “Paano pupuwede ang mga ito?” Nicodemo, “Guro ng Israel ka pa naman, at hindi mo alam? “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo: alam namin ang aming sinasabi at pinatototohanan namin ang aming nakita, at hindi pa ninyo tinatanggap ang aming patotoo.

          Hindi kayo naniniwala kung mga bagay sa lupa ang sinasabi ko sa inyo, kaya paano kayo maniniwala kung mga bagay sa Langit ang sasabihin ko sa inyo. Walang umakyat sa Langit maliban sa bumaba mula sa Langit—ang Anak ng Tao.

          Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayundin naman kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaroon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya.”

Pagninilay:

          Isinulat po ni Sr. Ana Maria Casayas ng Daughters of St. Paul ang ating pagninilay. Sa Ebanghelyo ngayon, nakausap ni Jesus si Nicodemo sa dilim ng gabi. Isang taong marunong ngunit may takot at pag-aalinlangan. Sinabi ni Jesus: “Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga bagay dito sa mundo, paano pa ang sa langit?” Minsan, tulad ni Nicodemo, gusto natin ng malinaw at logical na sagot. Pero ang buhay espiritwal ay hindi lang tungkol sa logic, kundi sa ating pananampalataya. Sa panahon ngayon, napakaraming ingay—online at offline. May disinformation, moral confusion, spiritual indifference, at digital hostility.

          Nalilito tayo kung sino at ano ang paniniwalaan. May nagsasabi pa, bakit daw nakikialam ang mga madre at pari—hindi ba dapat magdasal na lang sila? Ngunit ang tunay na panalangin ay nagbubunga ng malasakit at paninindigan. Hindi hiwalay ang prayer at mission; magkasama itong lumalago sa pag-ibig.

          Inaanyayahan tayo ni Jesus na ipanganak muli—to be born of the Spirit—hindi sa ingay ng mundo kundi sa katotohanan. Kapag natutunan nating magtiwala sa Kanya sa mga bagay dito sa lupa, unti-unti Niyang bubuksan ang ating puso sa mga bagay na makalangit.

  • Sr. Ana Maria Casayas, fsp | Daughters of St. Paul