Ebanghelyo: Juan 3:31-36
Sinabi ni Hesus kay Nicodemo: “Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa itaas. Makalupa naman ang mula sa lupa, at makalupa rin ang usap niya. Nakahihigit sa lahat ang pumaparito mula sa Langit. Pinatototohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit wala ngang tumatanggap sa kanyang patotoo.
Pinagtibay naman ng tumanggap sa patotoo niya na totoo mismo ang Diyos. Binibigkas nga ng sinugo ng Diyos at ng Espiritu. Mahal nga ng Ama ang Anak, at ipinagkatiwala ang tanang mga bagay sa kanya.
May buhay magpakailanman ang naniniwala sa Anak. Ang hindi naman sumusunod sa Anak ay hindi makakakita sa buhay, kundi ang galit ng Diyos ang sasakanya.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Noemi Vinoya ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Mga kapanalig, sa Ebanghelyo ngayon, malinaw na sinasabi ni San Juan na “mula sa itaas” si Jesus. Nagmula Siya sa Diyos. At dahil dito, katotohanan ang sinasabi Niya. Pero nakakalungkot dahil: “Walang tumatanggap sa kanyang patotoo.” Kahit naririnig ng mga tao ang mensahe ni Jesus, marami pa rin ang hindi naniniwala.
Kung tutuusin, parang ganito rin ang nangyayari sa ating buhay. Sa panahon ngayon, napakaraming boses ang araw-araw na naririnig, na siya nating pinapakinggan. Nariyan ang boses ng social media, mga opinion ng mga influencers, mga trending na pangyayari, mga sari-saring pananaw sa buhay, tungkol sa tama at mali. At andyan din ang boses ng mga kabarkada o kaibigan. Aminin natin, hindi palaging si Hesus ang pinapakinggan natin.
Mga kapanalig, ang pakikinig kay Hesus ay pagtitiwala at pagsunod sa Kanya sa araw-araw na buhay. Halimbawa, kapag may pagkakataon na magsinungaling para mapanatili ang magandang image natin, pipiliin ba natin ang katotohanan? Kapag may taong nakasakit sa atin, pipiliin ba nating magpatawad? Kapag may taong nangangailangan, magiging bukas ba tayo sa pagtulong? Sa mga simpleng desisyong ito, nasusubok kung tinatanggap natin ang salita ni Hesus o hindi. Kapag may desisyon tayong gagawin, ano ang mas nangingibabaw? Ang takot na hindi tanggapin ng iba at kung ano ang kanilang iisipin? O ang tiwalang ang Diyos ang may hawak ng lahat?
Sinasabi sa Ebanghelyo: “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan.” Hindi lang ito tungkol sa buhay sa hinaharap. Ang “buhay na walang hanggan” ay nagsisimula ngayon — sa tuwing pinipili nating magtiwala kay Hesus, kahit hindi laging madali.
Mga kapanalig, hamon sa atin ngayon: Kaninong boses ang nangingibabaw sa ating puso? Kanino tayo nakikinig? Sa takot? Sa pressure ng ibang tao? Sa ingay ng mundo? O sa tinig ng Diyos?
Piliin nating maniwala at magtiwala. Piliin nating makinig at sundin ang tinig ni Hesus — ang nagmumula sa itaas, ang nagsasabi ng katotohanan, at ang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kapag pinili nating magtiwala kay Hesus sa gitna ng pagsubok — kapos man sa pera, may sakit ang mahal sa buhay, o may pinagdaraanan sa relasyon — doon nagsisimula ang pagbabago ng ating buhay at ang tunay na buhay na walang hanggan.
Panalangin:
Panginoong Hesus, sa dami ng boses na naririnig namin araw-araw, tulungan Mo kaming makilala at sundin ang Iyong tinig. Bigyan Mo kami ng pusong handang makinig, magtiwala, at mamuhay ayon sa Iyong salita. Amen.
- Sr. Noemi Vinoya,fsp | Daughters of St. Paul