Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Abril 18, 2026 – Sabado, Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Ebanghelyo: Juan 6:16-21

          Lumusong ang mga alagad ni Hesus sa aplaya. At pagkasakay sa bangka ay nagpunta sa kabilang ibayo ng lawa tungo sa Capernaum. Dumilim na at wala pa si Hesus: at nagising ang lawa dahil sa malakas ang ihip ng hangin.

          Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Hesus na naglalakad sa lawa at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi naman niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Kaya gusto nila siyang isakay sa bangka, ngunit ang bangka ay bigla nang nasa pampang na patutunguhan nila.

Pagninilay:

          Ibinahagi po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. “Ako ito, Huwag kayong matakot”. Kelan ka ba huling nakaramdam ng takot, kapanalig? Ano ang kadalasang ginagawa mo kapag nakakaramdam ka ng takot. Ito ang damdamin ng mga alagad ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon. Natakot sila nang inabutan sila ng malalaking alon dahil sa malakas na ihip ng hangin, at lalo silang natakot nang makita nilang may lalaking naglalakad sa tubig palapit sa kanila. Pero pinawi ni Jesus ang kanilang takot ng magpakilala siya sa kanila: “Ako ito, huwag kayong matakot.” Kapanalig, dumarating si Jesus sa bawat unos at bagyo ng ating buhay upang saklolohan tayo. Dumarating sya sa iba’t ibang paraan at kaanyuan upang tugunan ang ating mga dasal. Kaya lang minsan sa halip na matuwa tayo sa pagdating ni Jesus ay natatakot pa tayo dahil hindi natin sya nakikilala. Nabubulag tayo ng sobrang takot dahil kulang tayo sa pananampalataya. Mas nangingibabaw ang takot kesa pananampalataya at tiwala sa Diyos. Pero minsan naman, tayo ang tugon sa dasal ng ating kapwang nahihirapang sagupain ang bagyo sa kanilang buhay. Maaari pala tayong gamitin ni Jesus na instrumento upang tugunan ang taimtim na dasal ng ating kapwa. Minsan pa nga ang ilan sa atin ay parang si Jesus na nag-alay ng buhay upang mabuhay ang kapwang nasa panganib.

          Ganito ang naging buhay ni Bro. Ritchie Fernando, isang misyonerong Pilipino sa Cambodia na naglingkod sa mga taong may kapansanan lalo na yong mga biktima ng mga sumabog na bomba. Minsan, pumasok ang isang dating mag-aaral at nais hagisan ng granada ang silid-aralan. Hinarang ito ni Bro. Ritchie kaya sya ang nasabugan. Nakaligtas ang mga mag-aaral, subalit nasawi ang 26 na taong gulang na Heswita. Kapanalig, Christ is Risen! Buhay Siya at nananahan sa bawat isa sa atin. Damhin natin sya at iparamdam natin sa bawat isa na buhay nga si Jesus.

  • Sr. Lourdes Ranara, fsp |Daughters of St. Paul