Ebanghelyo: Juan 6:22-29
Napuna ng mga taong nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na iyon kundi isa lang at hindi sumakay si Hesus sa bangkang ito kasama ng kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay sa pagpapasalamat ng Panginoon.
Kaya nang mapuna ng mga tao na wala roon si Hesus at ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Hesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?”
Nagsalita sa kanila si Hesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil sa nakita ninyo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain ninyo at kayo ay nabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggan.
Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo; siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama.” “Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang mga ipinagagawa ng Diyos?”, “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: maniwala kayo sa sinugo niya.”
Pagninilay:
Ibinahagi ni Sr. Vangie Canag ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Hinanap ng mga tao si Jesus dahil sa tinapay. Natural lang naman na maghanap tayo ng pagkain na ikabubuhay. Ikaw, kapanalig, ano ang favorite diet mo? Fried chicken, potato chips, soda, noodles? O snacks na doughnut at ice cream? Palagi? Huwag kang magulat. Baka magising ka na lang na meron kang diabetes, high blood, heart disease at iba pa. Kung ano ang itinanim natin sa ating katawan iyon din ang ating aanihin. Of course, ang ating panlasa ay naghahanap ng masarap. Watch out from seeking always the masarap that satisfies our senses.
Minsan nagdadala ito sa kapahamakan. Maging mapanuri sa kinakain kung gustong maging healthy. Ganoon din at lalo na sa ating spiritual health. Kaya sinabi ni Jesus sa mga taong naghanap sa kanya: “Hanapin ninyo ang pagkaing hindi nasisira, na tumatagal hanggang sa buhay na walang hanggan.” Kung iniingatan natin ang ating physical health lalo na ang ating spiritual health. Ano ang ating spiritual diet? Bible ? Wholesome readings? Or social media from morning to night? Para maging spiritually healthy kailangan kainin ang salita ng Diyos araw-araw kahit kaunti lang.
Kung possible, magsimba at magkomunyon. Ito ang tinapay ng buhay na walang hanggan. Nagte-take tayo ng supplements ng vitamins at minerals upang maging malakas. May maintenance ang mga maysakit na hindi nilalaktawan to maintain themselves healthy. So self-care is necessary, physically and spiritually.
Manalangin tayo:
Panginoong Jesus, ikaw ang tinapay ng buhay. Akitin mo ang aming puso sa iyo. Amen.
- Sr. Vangie Canag, fsp | Daughters of St. Paul