Ebanghelyo: Juan 12:44-50
Malakas na sinabi ni Hesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin.
“Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin.
Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo.
“May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko’y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.”
Pagninilay:
Isinulat po ni Fr. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay. Ngayon po ay kapistahan ni Santa Catalina de Siena, isang babae at mystic laywoman mula sa Italya. Noong 1375, minsan daw dumalaw ang batang si Santa Catalina sa isang preso na ang pangalan ay Niccolò di Tuldo. Hinihintay na lamang ng nasabing preso ang kanyang death sentence dahil sa kanyang mga political crimes. Pagdating ni Catalina, kinausap niya si Niccolò, pinalakas ang kanyang loob, pinagdasal, at hinikayat niyang magtiwala sa awa ng Diyos. Noong araw ng kanyang pagpatay, sumigaw daw ng malakas si Niccolo ng JESUS and MARY! Nakita siya ni Catalina pagkamatay, at itinala niya na namatay si Nicolo na payapa ang mukha at itsura.
Mga kapanalig, ito rin ang panawagan ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon: Siya’y Redeemer, Tagapagligtas. A redeemer is someone who goes with you with your problem.
Ang challenge po siguro sa atin ay: Tulad ng story ni Catalina at Niccolo, hayaan nating samahan tayo ni Hesus…upang magkaroon din tayo ng kapayapaan at kahinahunan sa kabila ng ating pinagdaraanan, dahil tunay siyang ilaw, tagapagligtas, anak ng Diyos na sobrang mahal tayong lahat. Amen.
- Fr. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul