Ebanghelyo: Juan 20:1-9
Sa unang araw ng sanlinggo, maagang nagpunta si Maria Magdalena, habang madilim pa. Nang makita niyang tinanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Hesus. “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo ang isa pang alagad kay Pedro, at unang nakarating sa libingan. Pagkayukod niya’y nakita niyang naroroon ang mga telang lino. Ngunit hindi siya pumasok.
Dumating si Simon Pedro, na kasunod niya, at pumasok siya sa libingan. Nakita niya na nakalatag ang mga telang lino, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulunan niya ay di nakalatag gaya ng mga telang lino kundi nakalulon sa mismong lugar nito.
Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at naniwala siya. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan niyang magbangon mula sa mga patay.
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Fr. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay. Happy Easter po sa inyong lahat! Sa ating liturhiya, ngayong araw po ang rurok ng lahat ng Linggo at araw pansamba natin bilang simbahan. Mas mataas pa sa Pasko ng Pagsilang o Christmas. 50 days, from Easter Sunday to Pentecost Sunday—50 days—one great feast.
Bakit mataas? Simple lang, tagumpay na si Hesus! Sa Sequence po ngayong araw sinasabi na Buhay at Kamatayan kapwa nagtunggalian at ang nagtagumpay, Pagkabuhay! Hindi na kamatayan ang may huling halakhak, bukas na ang langit —buhay na walang hanggan, Makakamit na natin!
Real talk po, hindi naman matatapos ngayong araw ang ating kasalanan, marami pa rin ang dadaan sa kamatayan, may gulo pa rin. Pero mga kapanalig, yung liturhiya sinasabi na para tayong umaakyat sa bundok, papanhik kay Hesus:
Baka ngayon mas magaan na, mas magpapatawad ka na, mas uunawa ka na, mas pipiliin mo na ang Mabuti, mas panalo na ang Diyos pag tinutukso ka ng demonyo, mas panatag na ang iyong puso dahil andyan na at pinatuloy mo na ang liwanag ni Kristo.
Nagtagumpay na si Hesus sa kasalana’t kamatayan. Kung tayo’y lalapit sa kanyang liwanag, pababasbas sa tubig ng buhay, tatanggapin ang pagkaing nagbibigay buhay, gagamitin ang oras para sa Mabuti—Kung laging nasa puso natin si Kristo—Ano pa ba ang hindi natin mapagtatagumpayan? Sana panalunin din po natin si Hesus sa ating buhay!
- Fr. Vinz Aurellano, ssp | Society of St. Paul