Ebanghelyo: MATEO 13, 47-53
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing din ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin. Nauunawaan n’yo ba ang lahat ng ito?” “Opo.” Kaya sinabi niya sa kanila: “Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya.” Nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
Pagninilay:
Nag-iisa akong madre sa isang pagtitipon ng mga digital publishers mula sa iba’t ibang bansa. Lumapit sa akin ang isang taga-India at nagtanong: “Do you believe in Jesus Christ?” Masaya akong sumagot, “Yes! Are you also a Christian?” Umiling siya at nagsabing Hindu siya, pero hinahangaan daw niya si Kristo at ang Sampung Utos.
“Ang hindi ko lang maintindihan,” sabi niya, “bakit sinasabi ninyong Kristiyano kayo, pero hindi naman ninyo sinusunod si Kristo?” “Bakit mo naman nasabi ‘yan?” tanong ko.
Nagpaliwanang siya: “Naniniwala kaming mga Hindu na likas na banal ang bawat tao at ang layunin ng buhay ay maging ganap na banal tulad ng Diyos. At ito ang gabay naming sa pamilya, sa negosyo, sa mga gawain, at sa aming buhay. Pero kayong mga Kristiyano, parang hindi kayo naniniwala na may buhay pagkatapos ng buhay dito sa lupa. “Sa amin, ang pag-aasawa ay habambuhay. Kayo, gusto nyo ng diborsiyo.
“Iginagalang naming ang lahat ng tao, lalo na ang mga matatanda at yung katulad n gaming propesyon. Marami sa inyong mga Kristiyano ang hindi tumutupad sa kontrata, nanloloko at corrupt, lalo na yung mga nasa gubyerno. Sabi nyo, ang Diyos ninyo ay pag-ibig, pero bakit hindi makita ito sa buhay ninyo?” Kapatid/Kapanalig, kung kayo ang tinanong ng ganito, ano ang isasagot ninyo? Araw-araw, binibigyan tayo ng pagkakataong pumili at magdesisyon: susundin ko ba ang Diyos o ang aking sarili? Bawat desisyon ay may kahihinatnan. Nabubuhay ka ba para sa langit o para sa impiyerno?