Ebanghelyo: Lucas 12:35-40
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maghintay kayong bihis at handang maglingkod, na may nakasinding mga lampara. Maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang Panginoon. Pauwi s’ya mula sa kasalan at agad nilang mabubuksan ang pinto pagdating n’ya at pagkatok. Mapalad ang mga lingkod na iyon na matatagpuang naghihintay sa panginoon pagdating n’ya. Maniwala kayo sa akin, isusuot n’ya ang damit pantrabaho at pauupuin sila sa hapag at isa-isa silang pagsisilbihan. Dumating man s’ya sa hatinggabi o madaling-araw at matagpuan n’ya silang ganito, mapalad ang mga iyon!”
“Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana n’ya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo dahil dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.”
Pagninilay:
Gising at handa. Tayo ba ay gising at nakahanda? Tila ba nakakatakot ang ipina-pahiwatig sa atin ng Ebanghelyo ngayon. Ipinapakita sa atin ang realidad ng pagdating ng Panginoon, katapusan ng lahat o eschatology at maging ng ating kamatayan. Hindi ito pananakot kundi paalala sa ating lahat. Kaya sinasabi ni Hesus maging gising at handa.
Subalit paano nga ba tayo makakapaghanda sa nakatakdang panahon? Hindi literal na pagiging gising ang hinihingi sa atin. Sabi nga hindi ito ‘yung getting ready but living ready. Nakahanda kahit ano’ng oras na salubungin at humarap sa Panginoon. At nakaugat ito sa pananampalataya at kamalayan na dumating na ang Panginoon, narito at kasama natin. Marami sa atin ang nag-aakalang paparating pa lang siya. Subalit para sa mga taong may gising na pananampalataya, nakikita na nila ang Panginoon na kasama natin, sa ating kapwa at sa ating buhay. Kaya nagsusumikap silang magsa-buhay ng aral at katotohanan ng Ebanghelyo.