Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 12, 2025 – Martes, Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay Santa Juana Francisca de Chantal, namanata sa Diyos

Ebanghelyo: Mateo 18: 1-5, 10, 12-14

Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila s’ya: “Sino ang mas una sa Kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit. At nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa Kaharian   ng Langit. At tinatanggap naman ako ng sinumang tatanggap sa batang ito nang dahil sa aking pangalan. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit.”  “Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala ang isa man sa maliliit na ito.”

Pagninilay:

“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang, walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang”. Ito ang makahulugang lyrics ng awiting likha ni Fr. Eddie Hontiveros, SJ na pinamagatang Pananagutan. Ang pananagutan natin sa isa’t isa ang dahilan kung bakit kailangan nating magpakumbaba gaya ng isang bata. At kung bakit kailangan nating akayin sa liwanag ang kapwang naliligaw ng landas sa halip na husgahan o hamakin sila kaagad. Maaaring nabalitaan n’yo rin ang tungkol sa mga nagpakamatay nitong nakalipas na ilang buwan. Marami ang nagsabi na maaaring depression ang dahilan.

Kapanalig, hindi kahinaan ang humingi ng tulong kung hindi na natin kaya ang bigat ng dinadala nating problema. Sa halip, isang katapangan ang harapin ang ating mga suliranin sa tulong ng Diyos at ng mga taong ating pinagkakatiwalaan. Kung minsan, ang kababaang-loob ang magliligtas sa atin sa tiyak na kapahamakan. Gaya ng isang batang nanginginig sa takot, lumapit tayo sa Diyos na ating Butihing Ama at yumakap nang mahigpit hanggang mapawi ang ating takot at pangamba.

Additional: Kapanalig, may mga bata rin na magaling magyabang at ikinatutuwa pa ito ng matatanda. Subalit kapag ang isang bata ay nakaramdam ng takot, agad itong yayakap sa magulang upang humingi ng saklolo. Ito ang kababaang-loob na sinasabi ni Jesus sa ating Mabuting Balita. Huwag nating piliting kayanin ang lahat kung hindi na natin kaya. Lumapit tayo sa Diyos nang buong kapakumbabaan gaya ng isang batang humihingi ng saklolo sa magulang. God with His love and mercy, will never fail us. Mahalaga ang pagkakaroon ng kababaang-loob at malasakit sa isa’t isa sa pagbuo at pagbuklod ng isang mapanagutang komunidad. Ang kababaang-loob ng mga pinuno ang mag-uudyok sa kanila upang makinig sa opinyon ng mga kasapi at bigyang halaga ang tinig ng bawat isa. Ang malasakit naman sa isa’t isa ang magbibigkis sa mga kasapi upang tulungan ang isa’t isa at magsilbing liwanag ng bawat isa.