Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 15, 2025 – Biyernes | Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birheng Maria

Ebanghelyo: Lucas 1:39-56

Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t-salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

Pagninilay:

Alam ni Maria na ang nasa sinapupunan niya ay hindi lamang ordinaryong bata, kundi ito ang nag-iisang Tagapagligtas ng buong sanlibutan, ang tutupad ng lahat ng pangako ng Diyos. Kaya nga’t ito ang laman ng kanyang Magnificat, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking Espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas. Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!”

Nagtiwala si Maria na si Hesus nga ang tutupad sa lahat ng pangako ng Diyos, kaya simula noo’y hindi na niya iniwan si Hesus. Naroon si Maria mula sa kapanganakan ni Hesus. Naroon si Maria hanggang sa kamatayan ni Hesus sa krus. Naroon din si Maria hanggang sa Muling Pagkabuhay ni Hesus. Nagtiwala si Maria kay Hesus. Nanatili si Maria sa tabi ni Hesus, sa hirap at ginhawa. Ang pagtitiwala at pananatiling ito ang siyang nagpatunay ng katapatan ni Maria kay Hesus. Kaya naman, ang pag-aakyat ng Diyos kay Maria sa langit ay isang gantimpala ng katapatan.

Tao si Maria tulad natin, kaya’t ang nangyari sa kanya’y maaring mangyari rin sa atin kung mananatili tayong kasama ni Hesus, sa hirap man o sa ginhawa—kung mananatili tayong tapat kay Hesus sa lahat ng panahon.

Manalangin tayo. Panginoon, panatilihin mo akong tapat na sumusunod sa iyong Anak na si Hesus. Amen.