Ebanghelyo: Mateo 19:13-15
May nagdala kay Jesus ng mga bata para ipatong n’ya ng kanyang kamay sa kanila at madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. Kaya sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng langit.” At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na s’ya.
Pagninilay:
Katatapos lang ng aking bakasyon sa probinsya. Nagbigay sa akin ng tuwa ang makitang naglalakad ang mga bata papasok sa kanilang paaralan sa baranggay. Iba’t ibang mukha ang aking napagmasdan. May dalawang batang lalaki na magka-akbay habang naglalakad. May nakita akong nagbigay ng nilagang saba sa kanyang kasama. Ang iba naman ay naghahabulan pa sa tabi ng daan.
Ano’ng meron ang mga bata? Bakit sinabi ni Hesus na sa katulad nila nabibilang ang kaharian ng Diyos? Hindi siguro masasabing naroon ang kasimplehan sa lahat ng mga kabataan. Pero ang basehan ko ngayon ay ang mga kabataan na nakita ko habang nagbabakasyon ako. Masayahin sila, simple at nakita ko ang pagmamahalan. Ang mga bata ay madaling makalimot ng tampo o hinanakit. Iba naman ang sitwasyon ng mga batang nababalita na pinaghahanap-buhay sa murang edad. Mga kabataan na nagiging biktima ng human trafficking.
Harinawa magkaisa tayo ng gobyerno na pangalagaan ang ating mga kabataan. Ingatan po natin sila sapagkat mahalaga sila sa mga mata ng Diyos. Sila ay malapit sa puso ng Panginoon. Magtulong-tulong tayo kung sakaling may nababatid tayong pang-aabuso sa mga kabataan. Lingapin at arugain natin sila sapagkat higit sa lahat, ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.
Manalangin tayo: Panginoon sa iyong pag-aaruga ipinagkakatiwala namin ang mga kabataan. Ingatan mo po sila at laging gabayan. Makita nawa namin ang kanilang kahalagahan at nang huwag pagmalupitan. Pagkalooban mo po sila ng mga taong gagabay at magmamahal sa kanila. Idinadalangin din po naming ang mga anak ng mga OFW’S. Maging maayos nawa ang kanilang pag-aaral upang maging mabuting mama-mayan at magbigay ligaya sa kanilang mga magulang. Amen.