Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 17, 2026 – Lunes

Ebanghelyo: Mateo 19, 16-22

 Lumapit kay Jesus ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” “Anong mga utos” “Huwag pumatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’” “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” “Kung gusto mo maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata ng pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.

Pagninilay:

“Anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Marami sa atin ang ganito rin ang tanong: “Ano pa ba ang dapat kong gawin?” Parang naghahanap tayo ng cheat code sa langit. Checklist mentality: sundin ang utos, iwas sa kasalanan, tumulong paminsan-minsan, tapos, sigurado na tayo. Ganyan din ‘yung binata. Sinusunod niya ang lahat, pero may kulang pa rin. Kaya siya nagtanong.

Mababasa rin ito sa ebanghelyo ni San Marcos, at doon may isang linya na sobrang ganda: “tiningnan siya ni Hesus nang may pagmamahal.” Hindi galit. Hindi disappointed. Love talaga ‘yung tingin. Kasi kitang-kita ni Hesus ‘yung effort niya, pero kitang-kita rin niya ‘yung nakakulong sa binata: ‘yung mga ari-arian, ‘yung security niya, ‘yung pagkakakilanlan niya sa mga hawak niya.

Ganyan din tayo minsan, di ba? Nag-iipon tayo ng “mabubuting gawa” para lang makasiguro. Parang binubuo natin ang ating kaligtasan sa halip na hayaan ang Diyos na ang gumawa. Pero ang punto ni Hesus dito? Hindi ka magiging mabuti sa paggawa. Ang Diyos lang ang mabuti. At ‘yung pagiging mabuti, biyaya ‘yun, hindi trophy na nakamit mo.

Kaya’t ‘yung tanong hindi “sapat na ba ang ginagawa ko?” Kundi “handa ko bang bitawan lahat?” Bitawan ‘yung mga bagay na akala ko’y sagot sa buhay. Bitawan ‘yung pangangailangang maging in-control. Kasi hindi tayo tinatawag ng Diyos na maging ganap sa sarili nating paraan; tinatawag niya tayong maging anak. Malaya. Nananalig. Sumusunod hindi dahil takot o gantimpala, kundi dahil mahal natin siya.

Kaya, kapanalig, anong kinakapitan mo ngayon na ayaw mong bitawan? Ano ba talaga ang gusto mo: ‘yung ligtas na “good enough,” o ‘yung buong-buong pagsunod kay Hesus? Tatalikod ka rin bang malungkot?

  • Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St Paul