Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 2, 2025 – Sabado Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay San Eusebio ng Vercelli, obispo | Paggunita kay San Pedro Julian Eymard, pari | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo: MATEO 14,1-12

Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Hesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Hesus.

Pagninilay: Herodes, may korona ka sa ulo, pero may tali ka sa leeg. May trono kang inuupuan, pero ang desisyon mo—pinapaikot ng takot, ng hiya, ng pakikisama. Ilan ang tulad mo sa libo-libong lider na may kapangyarihan, pero walang paninindigan? Nang sumayaw si Salome, pinasayaw mo na rin ang utak mo. Pumilantik na rin sa ere ang binitawan mong promise. Naging malaking problema ang pangakong binitiwan mo habang lasing sa papuri… habang takot kang mapahiya.Tau-tauhan ka ng pangyayari. Puppet kang maturingan. Hindi ikaw ang gumalaw— ikaw ang ginamit. Sa ating bansa, may Herodes din. Yung lider na may titulo, pero ang utos ay galing sa taas, sa tabi, sa likod.Tau-tauhan ng pamilya, ng padrino, ng troll army. Tau-tauhan ng utang na loob, ng paki-kisama, ng “baka magalit si Sir o si Ma’am. ” At ang taong-bayan? Tagasalo tayo ng desisyong putikan. Kailan kaya matatapos ang kwento ni Herodes sa ating bayan? Sa ating bansa? Totoo na marami na sa atin ang matalinong pumili ng tamang lider lalo na ang mga kabataan. Pero ilan pa rin ang naluklok na nagmimistulang puppet? Ipana-langin natin ang kanilang pagbabagong-loob. Dahil ang tunay na lider, hindi tau-tauhan. Siya ang gumagalaw, hindi pinagagalaw.