Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 20, 2025 – Miyerkules | Paggunita kay San Bernardo, abad at pantas ng Simbahan

Ebanghelyo: Mateo 20:1-16

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta n’ya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya’t sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-iisang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng mas higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-iisang denaryo. Kaya’t pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito at ipinapantay mo sila sa amin ngayon na maghapong nagtrabaho sa init ng araw?’ “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa ‘yo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”

Pagninilay:

Kay tagal bago kita minahal o “late have I loved thee”. Ito ang sinasabi ni San Agustin sa kanyang confession. Sinasalaysay niya rito ang kanyang buhay na napakalayo sa buhay ng isang santo. Hanggang sa kanyang pagtanda, noon lang niya nakilala ang Panginoon at nagbago ang lahat. Kaya ito na lang ang kanyang nasabi. “Kay tagal bago kita minahal.” Ganun pa man, natanggap pa rin ni Agustin ang pangako ng Panginoon.

Nakita natin sa Ebanghelyo ngayon na ang ganitong klaseng tao ang inirereklamo ng kapwa nila manggagawa. ‘Yung mga unang tinawag at nagtrabaho at ‘yung mga huling tinawag at nagtrabaho ay kapwa nakatanggap ng parehas na sahod. Kung titingnan, hindi ba’t tama naman ang kanilang hinaing? Tila hindi patas ang may-ari ng lupain. Maaring nararamdaman din natin ang pagkadismaya at inggit ng mga taong unang nagtrabaho. Sinasabing ang mga ugaling ito ang pumipigil sa atin upang makita ang grasya ng Diyos sa ating buhay. Nakatuon tayo sa grasya ng Diyos sa ibang tao at hindi natin nakikita ang kanyang grasya para sa atin. Sinasabi rin na ang pinakapuso ng Ebanghelyong ito ay ang generosity ng may-ari ng lupa, ang Diyos. Ang Diyos na tumatawag muli’t muli sa atin at naghihintay ng ating pagtugon. Pangalawa, ipinapakita rin sa atin na ang kaligtasan o ang gantimpala ay isang regalo. Gaano man natin ito pagsumikapan, sa kamay pa rin ito ng Diyos nakasalalay.

  • Fr. Keiv Dimatatac, ssp l Society of St. Paul