Ebanghelyo: Mateo 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga Talinhaga: “Tungkol sa nagyayari sa kaharian ng Langit ang kwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong upang sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay. Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala niya ang kanyang hukbo upang puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’ Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag. Pagkatapos ay dumating ang hari upang tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampeyesta. Kaya’t sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, papaano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga katulong: ‘Igapos ang kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.”
Pagninilay:
Kakaiba ang mga kumbidado sa piging ng hari sa parabola ni Jesus. Kung dito siguro ‘yon sa atin, umaapaw ang bisita nya kasi kung hindi RSVP, ang isang kumbidado ay magsasama pa ng ka-tropa. Imagine may lechon baka! pangmaramihan talaga! Pero bakit hindi handang dumalo ang mga tao sa piging? Sabi ng ilang bible scholar, sa kultura kasi ng mga Hudyo, ang imbitasyon ay wala namang saktong oras kaya posibleng nang magtawag ang mga utusan ng hari ay may ibang gawaing nakatakda ang mga kumbidado. Naisip ko tuloy, kung ako ang kumbidado ng hari, bibigyan ko ito ng pagpapahalaga. Hindi na ako mag-ischedule ng ibang gawain sa araw na iyon dahil alam ko, na ano mang oras ay maaari akong tawagin ng hari upang dumalo sa piging. Kapanalig, gaano ba kahalaga sa iyo ang paanyaya ng Panginoon? Priority mo ba ito o kapag may extra time lang. Nalulungkot ako kapag may mga nakakausap akong nagsasabi na magsisimba raw siya sa araw ng Linggo kung may extra time, pagkatapos maglaba at maglinis ng bahay. Extra time lang ba ang dapat sa Diyos?
Additional: Kapanalig, hindi ba dapat sya ang ating priority? Maraming beses ko na ring nasubukan na higit akong nagiging productive kapag inuna ko muna ang para sa Diyos. Bahagi ng aming buhay espiritwal ang Banal na Oras araw araw. Alam nyo ba, kapag inuna ko muna ang magdasal, mas madali kong natatapos ang aking mga gawain at lahat ay nahahanapan ko ng oras. Kapanalig, hindi pag-aaksaya ng oras ang magdasal at magsimba. Nagdadala ito ng blessings ng Diyos sa atin at sa ating mga gawain.
- Sr. Lourdes Ranara, fsp l Duaghters of St. Paul