Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 23, 2025 – Sabado | Paggunita kay Santa Rosa de Lima, dalaga

Ebanghelyo: Mateo 23:1-12

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging  ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”

Pagninilay:

Ngayong araw po ay ginugunita natin ang isa sa mga pinagpipitagang santo sa ating bansa: Si Santa Rosa de Lima. Sinasabing siya’y isang napakagandang dalaga, pero hindi siya interesadong mag-asawa. Bagamat maraming manliligaw, pinili ni Rosa na maging lingkod ng Diyos at tumugon sa tawag ng pagiging relihiyosa. Isa sa mga napakagandang tinuran ng Santong ito ay ito: “Walang ibang daan o hagdanan patungo sa langit, kundi ang krus lamang ni Kristo.”

Sa ating Mabuting Balita ngayon, binalaan ni Hesus ang mga tao at kanyang mga disipulo tungkol sa mga Pariseo’t Eskriba. Ang mga taong ito ay may dunong, may posisyon, pinagpipitagan dahil sa kabisado nila ang Batas ng mga Hudyo. Pero, ang kanilang pananampalataya ay head-level lamang, hindi bumaba sa puso, hindi nakikita sa kamay. Ibig sabihin, hindi totoo, hindi nagsisilbi—Faith without hope, without charity. Ika nga nila: Faith without love will make us narcissistic At tama po, sa narinig natin, sarili lamang nila ang kanilang iniisip, hindi ang mga taong marapat nilang paglingkuran.

Mga kapanalig sana matuto tayo sa buhay ni Santa Rosa de Lima. Na kung totoong sumasampalataya tayo sa Diyos, hindi lamang sana sa isip; sana tagos sa puso, kita sa kamay. At huwag nawa nating makalimutan ang pinakamahalagang sangkap ng pananampalataya – ang landas patungong kabanalan – ang pagiging mapagpakum-baba.  Amen.

  • Rev. Vinz Arellano, ssp l Society of St. Paul