Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 24, 2025 – Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: Lucas 13:22-30

Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon na nagangaral habang papunta s’ya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao, “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing, ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman s’ya sa inyo, ‘Hindi ko alam kung taga-saan kayo.’ Kaya sasabihin ninyo, ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Ngunit sasagutin n’ya kayo, ‘hindi ko alam kung taga-saan kayo. Lumayo kayo sa akin kayong gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng Profeta sa kaharian ng Diyos at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.

Pagninilay:

Ibinigay ng Diyos sa atin ang Kanyang nag-iisang Anak na si Hesus upang tayo ay iligtas. At gaya ng sinabi ni Hesus, siya lamang ang nag-iisang daan patungo dito. Kung gayun, ang natatanging daan patungo sa kaligtasan ay ang daan ni Hesus—ang Daan ng Krus.

Ito ang sinasabi ni Hesus na daang may makipot na pintuan. Makipot sapagkat ang tanging makakapasok lamang dito ay ang iilan na mananatiling tapat kay Hesus.

Naghahari na ang Diyos sa mundo, kaya’t anumang daang hindi dinaanan ni Kristo ay hindi patungo sa Diyos. Bawat araw humahakbang tayo patungo sa piling ng Diyos. Kaya nga araw-araw, ang mga desisyon natin sa buhay ay tungkol lamang sa pagpili natin sa daan ni Hesus o daan ng kasamaan. Pipiliin ko ba ang mabuti o masama? Pipiliin ko ba ang magmahal o magalit? Pipiliin ko ba ang magpatawad o mapoot? Pipiliin ko ba ang buhay o kamatayan? At alam natin kung ano ang desisyong naayon kay Hesus—ang mabuti, ang magmahal, ang magpatawad, ang buhay.

Manalangin tayo: Panginoong Hesus, araw-araw mo akong gabayan sa aking paglalakbay sa mundong ito. Nawa’y lagi kong piliin ang daan ng krus, kahit na puno ito ng pagsubok at paghihirap. Samahan mo ako hanggang sa dulo ng aking paglalakbay. Amen.    

  • Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul