Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 25, 2026 – Martes

Ebanghelyo: Mateo 23:23-26

Sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hindi n’yo nalilimutan ang mint, anis at kumino sa pagbabayad n’yo ng ikapu ngunit hindi n’yo tinutupad ang pinakamahalaga sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala n’yo ang lamok subalit nilulunok ang kamelyo. Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis n’yo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno n’yo naman ang loob ng pagnanakaw at karahasan at binabasbasan ninyo ang mga ito. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang loob, at lilinis din ang labas.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Imelda Samuing ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng maging banal? Palaging nananalangin? Maraming oras sa simbahan? O baka naman mabait sa kapwa, maraming good deeds?

Ipinapaalala sa atin ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon na ang pananampalataya ay hindi para magmukhang banal. Tungkol ito sa pagiging banal sa puso, at sa kilos natin.

Madali lang kasing magmukhang “relihiyoso”. Nagsisimba, nagdarasal, sumusunod sa mga patakaran; pero sa loob, taglay pa rin ang pride, walang pasensya, o selfish pa rin tayo minsan. Kagaya ng mga Pariseo, nililinis lang natin ang labas ng baso, pero hindi naman laging malinis ang loob.

… Naalala ko isang beses, nasa LRT ako. Nakita ko ang isang babaeng puno ng tattoo ang katawan. Naisip ko, “bakit kaya hindi niya pinahalagahan ang katawang binigay sa kanya ng Diyos?” Alam ba niyang templo ng Diyos ang katawan natin? Nilikha tayo ng Diyos na unique at maganda, bakit kailangang sirain?

Pero may sorpresa pala ang Diyos. Napansin ko ang kabilang kamay niya: may hawak siyang rosaryo at taimtim siyang nagdarasal.

… Hindi tungkol sa panlabas na anyo ang pananampalataya. Baka ito ang paalala sa atin ngayon:  suriin natin ang sarili. Baka gusto ng Diyos na mamuhay tayo nang tapat, hayaan nating awa ang gumabay sa mga desisyon natin, at mabuhay tayo sa katarungan.

Kapag nakasalubong natin ang taong tunay na namumuhay para kay Kristo, nararamdaman natin agad ang kapayapaan at pag-ibig sa kilos nila. Kapag dalisay ang puso ng isang tao, natural lang na lalabas ang pag-ibig ng Diyos, kasi totoo ang pananampalataya niya.

Kapanalig, malinis ba ang labas at loob ng baso mo?

  • Sr. Imelda Samuing, fsp l  Daughters of St. Paul