Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 29, 2025 – Biyernes | Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, Martir

Ebanghelyo:  Mark 6: 17-29

Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo puwedeng kasamahin ang asawa ng iyong kapatid.” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito, matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niyang marinig ito. At nagkaroon nga ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao ng Galilea. Pagkapasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: “Gusto kong ibigay mo sa akin agad ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nalungkot ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin si Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalagita at ibinigay naman ito sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.  

Pagninilay:

Lahat tayo ay nangangarap ng pagkakaisa sa mundong ito. Huwag nating kalimutan na hindi lahat ng pagkakaisa ay mabuti; may pagkakaisa rin na masama. Pwede tayong magkaisa bilang isang komunidad na may pagmamahal at respeto. Sa kabilang banda, pwede rin tayo magkaroon ng pagkakaisa sa kasamaan.

Sa Mabuting Balita ngayon, nagkaisa si Herodias at ang kanyang anak. Ngunit ang pagkakaisa nila ay hindi naayon sa kagustuhan ng Diyos. Gusto ni Herodias na ipapatay si Juan Bautista dahil siya ang nagsabi na bawal siyang maging asawa ni Herod sapagkat siya ay asawa ng kapatid ni Herod. Noong nagkaroon ng pagkakataon, inutusan niya ang kanyang anak na hilingin ang ulo ni Juan Bautista. Doon na nga nagsimulang makonsensya si Herod.

Mga kapanalig, sa gitna ng mas maraming nagkakaisa dahil sa kasamaan, nawa’y tularan natin si Juan Bautista. Kahit wala siyang kasama o kakampi, nanindigan siya sa katotohanan at katarungan. Nanindigan siya ayon sa kagustuhan at kalooban ng Diyos kahit na buhay niya ang kapalit nito. Isinabuhay ni Juan Bautista ang katuruan ng ating Panginoong Hesukristo na maging ilaw at asin ng mundo.

Ang bawat isa sa atin ay may liwanag na taglay ng kabutihan sa ating mga puso. Kung magkakaroon lamang tayo ng pagkakaisa na manindigan sa katotohanan at katarungan na naayon sa kalooban ng Diyos, tiyak magkakaroon ng liwanag sa mundo.

  • Fr. Sebastian Gadia, ssp l Society of St. Paul