Ebanghelyo: MATEO 14,1-12
Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Hesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Hesus.
Pagninilay:
Madalas kong marinig ang kasabihang, “Matatakasan natin ang batas at ang taong ginawan natin ng masama, subalit hinding-hindi natin kailanman matatakasan ang Diyos at ang ating konsensya”. Alam ng Diyos ang ating iniisip, at nakikita Niya ang lahat ng ating ginagawa kaya nagsasalita siya sa atin sa pamamagitan ng ating konsensya. Paano nga ba natin matatakasan ang pag-uusig ng ating konsensya kung lagi natin itong kasama? Kahit sa pagtulog ay maaari tayong gambalain nito kung may nagawa tayong masama. Ang masamang gawa natin ay parang multong laging nakabuntot sa atin. Sa palagay ko, ito ang nararanasan ni Hareng Herodes sa ating Mabuting Balita ngayon. Binabagabag siya ng kanyang konsensya dahil sa pagpapugot niya sa ulo ni Juan Bautista, kaya ang tingin niya kay Jesus ay si Juan na muling nabuhay. Hindi man siya mausig ng mga taga-sunod ni Juan dahil sa taglay nyang kapangyarihan bilang hari, hindi niya matatakasan ang pag-uusig ng Diyos at ng kanyang konsensya. Kapanalig/Kapatid, kaya mahalagang mahubog nang maayos ang ating konsensya upang patuloy itong maging boses ng Diyos sa atin. Kung marunong tayong makiramdam at sumunod sa bulong ng ating konsensya, tiyak na maliligtas tayo sa paggawa ng masama, at higit tayong magiging maingat sa pagbitiw ng mga salita na maaari nating ikapahamak at pagsisihan sa bandang huli.
Kapanalig/Kapatid, alam ng Diyos na may mga kahinaan tayo kaya’t binigyan niya tayo ng konsensya upang magsilbing gabay at proteksyon sa ating pang-araw-araw na pakikibaka sa buhay. Hingin natin sa Diyos na gabayan tayo sa tama at maayos na paghubog ng ating konsensya upang magsilbi itong boses ng Diyos, lalo na kung tayo ay natutuksong gumawa ng masama. Isa rin itong mabigat na responsibilidad ng mga magulang dahil ang konsensya ang gagabay sa mga bata hanggang sa kanilang pagtanda.