Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 30, 2025 – Sabado ng Ika-21 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo:  Mateo 25:14-30

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi: ‘Panginoon ipinagkatiwala mong limang bareta sa akin at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.’ Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.’ Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.’ Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnenegosyo. Sana’y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s’ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.’”

Pagninilay:

Taliwas po sa ating pang-unawa na ang talento na ating narinig ay pumapatungkol sa mga bagay na kaya nating gawin: pag-awit, pag-sayaw, at iba pa. Ang talento po na tinutukoy sa ating Mabuting Balita ay unit of money. Ayon po sa aking pananaliksik— a talent was a significant weight of silver, equivalent to about 6,000 denarii, o may katumbas na humigit kumulang 1.5 Milyong Piso.

Ano po ang pinupunto ng ating Ebanghelyo? Ang buhay sa mundo ay hiram, at binigyan tayo ng Kalayaan ng Diyos upang laging piliin ang mabuti. Ang Kalayaan natin ay hindi natin susi para mag-enjoy gumagawa ng masama, kundi ating daan upang palaguin ang mga bagay na meron tayo, gawin ang nararapat at mabuti para sa mas ikaluluwalhati ng Diyos. Dahil ang totoo, mga kapanalig, lahat naman ng mayroon tayo ay hiram lamang sa Diyos, at totoong mananagot tayo kung atin itong aabusuhin, sisirain, at pababayaan. Amen.

  • Rev. Vinz Arello, ssp l Society of St. Paul