Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 4, 2025 – Lunes – Paggunita kay San Juan Maria Vianney, pari

Ebanghelyo: Mateo 14,13-21

Nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Hesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na ‘yon, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Hesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso-labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.

Pagninilay:

“Bigyan ninyo sila ng makakain.” Kapanalig naranasan mo na bang mamatayan ng kapamilya, kamag-anak o kaibigan? Kung babasahin natin ang mga naunang talata bago ang binasa natin ngayon, malalaman natin na namatayan si Jesus ng kamag-anak. Ang pinsan niyang si Juan Bautista ay pinapugutan ng ulo ni Haring Herodes. At sinasabi sa verse 13 na sumakay si Jesus ng bangka upang tumungo sa ilang na pook, marahil upang magluksa sa pagkamatay ni Juan. Bagaman nagdadalamhati pa si Jesus, hindi n’ya natiis ang nakita Niyang pangangailangan ng mga tao. Nahabag Siya siya sa kanila at pinagaling ang mga may karamdaman. Isina-isantabi Nya ang Kanyang personal na pangangailangan na mapag-isa at magdalamhati sa pagkamatay ni Juan upang tumugon sa pangangailangan ng mga taong umaasa sa Kanya. Kapanalig, kelan mo pa ba huling nakayang isa-isantabi muna ang iyong sarili upang unahin ang pangangailangan ng kapwa na higit na kailangan ng tulong o kalinga mo? Napapagod tayong lahat at nangangailangan ng pahinga at panahon para sa personal na pagmumuni-muni ng mga pangyayari sa ating buhay. Hingin natin kay Jesus ang grasya na mapangalagaan ang sarili at ang ating kapwang nangangailangan. Additional: Kung pababayaan kasi natin ang ating sarili baka tayo naman ang ma-burn out at maging masungit sa mga taong nakapaligid sa atin. Sabi ni Jesus sa verse 16, “bigyan ninyo sila ng makakain”. Kapanalig, busugin muna natin ang ating sarili ng presensiya ni Jesus upang ang ating buhay ay maging tinapay na maiaalay sa pagtugon sa pagkagutom ng ating kapwa. Si San Juan Maria Vianney ay taus-pusong tumugon sa pagkagutom ng mga tao sa Sakramento ng Kumpisal upang akayin sila pabalik sa Diyos.