Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Agosto 7, 2025 | Huwebes ng Ika-18 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Paggunita kay San Sixto II, papa, at mga Kasama, mga martir | Paggunita kay San Cayetano, pari

Ebanghelyo: Mateo 16,13-23 

Pumunta si Hesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing pong si Juan Bautista kayo; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yonas, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag sa iyo nito kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit. Ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Mesiyas. Mula sa araw na iyon ipinaalam ni Hesukristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem; pahihirapan siya ng mga matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari, at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong-araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon. Hindi ito puwede!” Ngunit hinarap ni Hesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.”

Pagninilay:

Hindi na bago sa aming mga madre ang karanasang ito: sa labas o sa pampublikong lugar, kapag may batang makulit o nagdadabog, madalas naming marinig ang mga magulang na nagsasabing, “Mag-behave ka, andyan si sister oh.” Sa simbahan naman, may iba pang bersyon nito na parang mas malalim ang epekto—“Huwag kang maingay, magagalit si Jesus.” Marahil marami sa atin ang lumaki sa ganitong paraan, na ang pagsunod ay dahil sa takot. Dahil dito, hindi maiiwasan na minsan ang tingin natin sa Diyos ay parang isang CCTV na laging nakabantay, handang parusahan tayo kapag nagkamali. Habang ang usapin ng tamang pagdidisiplina sa mga bata ay maka-buluhang paksang napapanahon rin, nais kong ituon ang ating puso sa isang mas malalim na tanong mula sa Mabuting Balita ngayon: “Ngunit sino ako para sa inyo?” Sa araw-araw mong pakikinig sa Salita ng Diyos, sa mga kwento ng buhay ni Hesus, at sa iyong sariling karanasan, sino nga ba si Hesus para sa iyo? Kung pagninilayan natin nang mabuti, makikita natin na si Hesus ay hindi isang Diyos na nakakatakot, kundi isang Diyos na puno ng pagmamahal, pag-unawa, pasensya, at pagpapatawad. Kaya naman, kapanalig, inaanyayahan kitang palalimin pa ang iyong pagkakilala kay Hesus. Sundin natin Siya hindi dahil sa takot, kundi dahil sa tunay na pagmamahal at pagkakakilala sa Kanya.