Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 11, 2025 – Huwebes, Ika-2 linggo ng Adbiyento | San Damaso 1, papa

Ebanghelyo: Mateo 11:11-15

Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang Kaharian ng Langit ay marahas na sumusulong at mga maylakas ang silang umaagaw nito. “Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At gusto n’yo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.”

Pagninilay:

Si Juan Bautista lamang ang propetang nakakita, nakausap at nakasama ng Panginoong Jesus mula sa kanilang pagkabata. Si Juan Bautista ang pinili ng Ama na maghanda ng daan para sa Mesiyas. Puspos ng Espiritu Santo, buong tapang siyang nangaral na magsisi at magbagong buhay ang mga makasalanan. Sa pamamagitan ng pagbibinyag niya, marami ang naniwala at naligtas. Hindi maikakaila ang napakahalagang papel ni Juan Bautista sa paghahanda ng daan para sa Panginoong Jesus. Pero sinabi ng Panginoon: “ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyos ay mas dakila kaysa kay Juan Bautista.”

Sino ang tinutukoy ng Panginoon? Sila iyong mga mananampalataya na nasa laylayan ng lipunan na nagsisikap mabuhay nang marangal, makatao at higit sa lahat, makadiyos. Ngunit sa kasamaang palad, naging biktima sila ng korupsiyon at  pagwawalang bahala ng mga taong nasa posisyon na maari sanang makatulong sa kanila. Mga inosenteng biktima ng Extra Judicial Killing at ang kanilang mga mahal sa buhay. Mga biktima ng human trafficking na ang tanging nais ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya. Mga nabilanggo dahil sa kasalanang di nila ginawa. Mga may sakit na di man lamang makabili ng gamot upang maibsan ang kanilang pagdurusa. Sila ang mga itinuturing na mas dakila sa mata ng Diyos dahil sa kabila ng kanilang paghihirap ay hindi sila bumibitiw sa kanilang pananampalataya. Kilalanin natin sila, tulungan at bigyang pansin. At kung maari, samahan sa kanilang pakikibaka upang makamit ang katarungan. Sumasakanila ang Panginoon. Huwag nawa natin silang talikuran.

Manalangin tayo: Panginoong Jesus,habang hinihintay po namin ang araw ng Pasko, mabuo po sana sa aming mga puso ang determinasyon na huwag magbingi-bingihan sa daing ng aming mga abang kababayan. Marapatin mo pong makatulong kami sa kanila sa abot ng aming makakaya. Maging karapat-dapat na pamasko po sana namin ito sa inyo, Amen.

  • APC Lulu