Ebanghelyo: Mateo 21: 23-27
Pagpasok ni Hesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga Punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?” Sinagot sila ni Hesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Ba’t di kayo naniwala ka kanya?’ At kung sasabihin naman nating ‘Galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan,’ dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan. Kaya sinabi nila kay Hesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Hesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtala sa akin na gumawa ng mga ito.”
Pagninilay:
Grabe! Ang lalakas ng loob ng mga punong pari at matatanda ng bayan. Dalubhasa sila sa batas kaya naman para sa kanila may K sila na i-confront ang ating Hesus Maestro. Kaninong pahintulot daw Siya nagtuturo. E kaso, binalingan Niya sila ng tanong. Saan galing ang awtoridad ni Juan Bautista? Hindi sila makasagot. Umiral sa kanila ang takot sa magiging opinyon ng tao. Takot sila na mawalan ng impluwensya. Kung tutuusin, taglay ng may awtoridad ang kapangyarihan at kapahintulutan. Saan nga ba galing ang awtoridad ni Juan Bautista? Sa Diyos, at sa Diyos lang. Siya na Diyos Ama at Tagapaglikha ang may kapangyarihan at kapahintulutan sa bawat nilalang at sa buong sangkatauhan. Hindi nakipaglaro sa pulitika ng relihiyosong liderato ang ating Hesus Maestro Sa halip, ipinakita Niya na ang awtoridad kung walang integridad ay hungkag. Hindi dapat gamitin ang awtoridad para sa pansariling kapakinabangan. Magpapasko na. Di ba dumating ang ating Hesus Maestro sa atin para iligtas tayo mula sa mga pinunong hindi makatarungan… sa mga umaabuso sa kanilang awtoridad at walang moral na paninindigan? Paulit-ulit itong nangyayari sa ating bansa. Kaya’t paulit-ulit din sana tayong maging daan ng pagbabalik-loob. Kahit simpleng mamamayan man tayo, maging simbolo tayo ng Pasko para sa lahat: Mga buhay na tanda ng pagliligtas ng Diyos.
- Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul