Ebanghelyo: Mateo 1: 1-17
Ito ang libro pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Jese ang ama ni David at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekas, Manases, Amon, at Yosias. Pagkatapos naman ng pagkatapon ng Babilonia—si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel. Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si Matan ni Jacob. Si Jacob naman ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Hesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David sa pagkatapon sa Babilonia at labing apat din hanggang sa Kristo.
Pagninilay:
Si Hesus ay tunay ngang tao din gaya natin—dahil may pinanggalingan siyang angkan at pamilya.
Sapagkat naging tao ang Diyos sa pamamagitan ni Hesus, naiintindihan ng Diyos kung ano at paano ang maging isang tao. Bagaman, si Hesus ay Diyos ding totoo, tao rin naman siyang totoo. Lalaki rin siya sa pangangalaga ng kanyang mga magulang, dumanas siya ng paghihirap sa buhay. Nakaramdam din siya ng pighati nang mamatay ang kanyang ama na si Jose at ang kanyang matalik na kaibigang si Lazaro. Naghirap siya nang higit pa sa paghihirap natin nang siya ay dumaan sa daan ng krus. At higit sa lahat, dumaan din siya sa kamatayan.
Ngunit sa pamamagitan din ni Hesus, natanto nating ang kahinaan ng tao ay hindi isang hadlang sa pagiging tao, kundi isa itong daan upang umasa tayong lubos sa habag at awa ng Diyos Ama.
Nang ipinanganak si Hesus dito sa mundo, inangkin niya ang lahat ng ating pinagdadaanan sa mundo. At nang umakyat siya sa langit, dinala niya itong lahat sa Kanyang Ama. Kaya’t lahat ng ating pinagdadaanan—saya, lungkot, at pighati—ay nasa kamay ng Diyos. At anumang nasa kamay ng Diyos ay hindi niya pababayaan. ‘Yan ang biyaya ng pagkakatawang-tao ni Hesus.
Manalangin tayo. Salamat Hesus at dinala mo sa iyong Ama ang lahat ng aming pinagdadaanan. Amen.
- Fr. Oliver Par, ssp l Society of St. Paul