Daughters of Saint Paul

Mabuting Balita l Disyembre 18, 2025 – Huwebes, Ika-3 Linggo ng Adbiyento | San Graciano

Ebanghelyo: Mateo 1: 18-24

Ito ang mga pangyayaring napaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na ni Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdalantao na siya dala ng Espiritu Santo.

             Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.

              Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang kasalanan.”

            Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi nga Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’

              Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Angel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.

Pagninilay:

Tahimik ngunit matatag—ganito inilalarawan si Jose sa Mabuting Balita. Labis siyang nabagabag nang malamang nagdadalang-tao si Maria bago pa sila magsama.  Sa panaginip, sinabi ng anghel: “Huwag kang matakot tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Ang dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo.” Nang magising siya, agad niyang ginawa ang iniutos ng Panginoon.

Hindi maingay, hindi kumplikado ang pananampalataya ni Jose. Wala siyang binitiwang salita sa Mabuting Balita, ngunit nagsalita ng lubos ng pagtalima ang kanyang gawa. Tinanggap niya ang misyong hindi niya lubos na nauunawaan, dahil nagtiwala siya sa Diyos na mas nakakaalam.

Kadalasan, hindi natin nauunawaan ang mga nangyayari sa ating buhay o pamilya. Marami tayong mga katanungan. Marami tayong mga pag-aalinlangan sapagkat hindi malinaw ang mga bagay-bagay. Mas madaling magreklamo o magalit o magtampo sa Panginoon kesa sa lumuhod at magdasal nang may pagpapakumbaba at pagtitiwala.

Sa araw na ito, tinuturuan tayo ni Jose na sa lente ng pananampalataya, makikita nating may layunin ang lahat ng bagay. Tinuruan tayong manampalataya kahit hindi malinaw ang lahat. Minsan, dumarating ang Diyos sa katahimikan, sa panaginip, o sa gitna ng ating mga plano na biglang nagbago.

Mga kapanalig, kapag tila hindi natin maunawaan ang takbo ng buhay, alalahanin natin si San Jose. Ang kanyang tahimik na “oo” sa Diyos ang naging daan ng kaligtasan. Huwag tayong matakot magtiwala at manalig. Sa bawat pagtalimang may pananampalataya, ipinapanganak si Jesus sa ating mga puso. Mapagpalang paghihintay sa Kanyang pagdating!

Sr. Dee Alarcon, fsp l Daughters of St. Paul